Abante Tonite Interactive

Ginang, tinadtad nang pinong-pino ng asawa at ipinakain sa mga isda

By
0 199

Bagama’t batid ng marami na hindi tunay na asawa ng bise alkalde ang ina ni Mangabat na si Adalia, wala namang pagdududa na tunay na pinagkalooban ng wagas at labis na pagmamahal ng dating bise alkalde ang kinakasama, pati na rin ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan.

Sa katunayan, nagkaroon ng ilang mga lupaing pag-aari si Adalia na batay sa mga impormasyong nakalap ng kapulisan ay posibleng sadyang ipinagkaloob sa kanya ng ama ni Mangabat upang matiyak ang magandang kinabukasan ng anak.

Nang magbinata na si Mangabat, nakilala niya ang isang magandang dilag na kanya ring kababayan sa kanilang lalawigan sa Cauayan, Isabela na hindi na natukoy ni Col. Tamayao ang tunay na pangalan.

Dahil na rin sa pagtataglay ng mabulaklak na pananalita at ang pagiging “boyish” looking kaya’t nahulog ang loob sa kanya ng dalagang kababa­yan na pinakitaan din naman ni Mangabat ng tunay na pag-ibig.

Kalaunan ay humantong din ang dalawa sa paglagay sa tahimik makaraang ipasiya ng dalaga na tanggapin ang alok ng kasintahan na magpakasal matapos makuha ang basbas ng ina at ama ng lalaki.

Wala namang nakalap na impormsyon ang kapulisan kung naging magulo o matiwasay ang pagsasama bilang mag-asawa ng dalawa maliban sa pagkakabatid na nagkaroon sila ng isang anak na lalaki.

Nagsimula umano ang masalimoot na buhay ni Mangabat nang mamatay ang itinutu­ring niyang ama at dahil hindi tunay na asawa ng kanyang inang si Adalia ang nasawi, nangamba ang mag-ina na mapunta lamang sa wala ang kanilang kabuha­yan kapag naghabol ang tunay na pamilya ng ama.

Dahil na rin sa pagyao ng ama ni Mangabat, unti-unti ng nagbago ang pananaw niya sa buhay at pati ang pagsasama nilang mag-asawa ay tuluyan na ring naapektuhan dahil sa madalas nilang hindi pagkakaunawaan.

Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, naging madalas ang pag-aaway nina Mangabat at asawa habang nagpasiya na rin ang ina ng lalaki na ibenta na ang mga lupaing kanilang pag-aari bago pa man makapaghabol ang tunay na pamilya ng ama at tuluyang malusaw lang ang kanilang kabuhayan.

Tinatayang nasa dalawang taon na ang anak ni Mangabat nang biglang maglaho sa paningin ng kanilang mga kapitbahay ang asawa ng lalaki na labis na ipinagtataka ng marami.

Maging ang mga kaanak ng maybahay ni Mangabat ay nagtatanong rin kung nasaan ang ginang subalit ang tanging sagot lamang ng lalaki ay umalis na sa kanilang poder ang misis at hindi rin niya alam kung saan ito nagpunta.

May mga naniniwala na sadyang lumayas ang ginang sa poder ng mag-ina dahil madalas nilang nasasaksihan ang pag-aaway at hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa bagama’t may ilan ding nagdududa na posibleng may masamang nangyari sa asawa ni Mangabat dahil kung tuluyang lalayas ito ay tiyak na isasama ang kanilang anak na lalaki.

Hindi lingid sa kaalaman ng kanilang mga kababayan na mahal na mahal ng ginang ang kanyang anak kay Mangabat kaya’t imposibleng umalis ito sa poder ng mag-ina ng hindi isasama ang kaisa-isang anak.