Abante Tonite Interactive

Ginang, tinadtad nang pinong-pino ng asawa at ipinakain sa mga isda

350

Dahil na rin sa lumalaking usapin hinggil sa biglaang paglaho ng asawa ni Mangabat at ang kawalan ng impormasyon maging ng kanyang mga kaanak kung nasaan ang ginang, nagpasya ang mag-ina na lisanin ang kanilang bayan, kasama ang bata, upang maiwasan ang hindi magagandang haka-haka hinggil sa pagkawala ng asawa ng lalaki.

Sa Batac, Ilocos Norte lumipat ang mag-ina noong taong 2015, kasama ang anak ni Mangabat na si JB at upang hindi maungkat ang kanilang mga nakaraan, nagpakilala si Mangabat bilang si Francis Domingo Ortega at pamangkin ng isang gobernador sa lalawigan ng La Union.

Hindi naman nahirapan si Mangabat na ipagpatuloy ang kanyang pagbabalat-kayo bilang pamangking ng gobernador lalu pa nga’t may kakayahan siyang kumbinsihin ang mga bagong kakilala dahil na rin sa tamis ng kanyang mga pananalita.

Bagama’t bago ­lamang sa naturang ­lugar, marami kaagad naging kaibigan si Mangabat na karamihan ay mga estudyante sa Mariano Marcos State University.

Batay na rin ito sa mga larawang ibinahagi sa social media ng isa sa kanyang mga naging kaibigan sa pamamagitan ng Facebook kung saan kasama ni Mangabat ang mga kabataang estudyante ng naturang pamantasan.

Sa pigura bilang boyish looking ni Mangabat, mapagkakamalan din siya bilang estudyante sa naturang pamantasan lalu na’t bitbit niya ang apelyido ng isang makapangyarihang angkan ng mga Ortega na pinaniwalaan naman ng mga bagong kakilala.

Sa naturang lala­wigan na rin nakilala ni Mangabat ang 19-anyos na dalagang estudyante ng naturang pamanta­san na si Jemima Kezia Mata Andres na kilala sa palayaw na Jem na ayon sa ulat ng pulisya ay nagkakilala ang da­lawa sa pamamagitan ng Facebook.

Bukod sa graduating student sa kursong Ba­chelor of Arts, Major in English Language, si Jem ay isa rin sa mga beauty titlist sa naturang pamantasan at bantog ang pa­ngalan dahil na rin sa pagkakaroon ng magandang kaanyuan.
Dahil sa kanyang mga katangian, maraming kalalakihan, karamihan ay pawang mga estud­yante rin ng Mariano Marcos State University ang nagkakagusto kay Jem bagama’t ninais pa rin niyang dumistansiya sa mga ito upang hindi masira ang konsentras­yon niya sa pag-aaral.

Isa si Mangabat sa nagkaroon ng malalim na interes kay Jem at kahit pa nga nakatutok sa pag-aaral ang dalaga, nagagawa rin nitong maki­halubilo sa mga malalapit na kaibigan at dumadalo sa mga okasyon dahil na rin sa kanyang hinahawakang titulo bilang beauty titlist.

Nang lumalim ang pagiging magkaibigan nina Jem at Mangabat, dito na nagsimulang mamintuho ang lalaking nagpakilala bilang si Francis ­Ortega at ginamit ang kanyang mga matatamis at mabubulaklak na panana­lita na naging dahilan upang hindi makaiwas ang ­dalaga sa kanya.

Tulad ng inaasahan, nagawang mabighani ni Mangabat sa kanyang matatamis na pananalita at boyish looking ang dalaga hanggang sa tulu­yan na silang nagkaroon ng relasyon.

Hindi naman nalingid sa kaalaman ng mga magulang ni Jem ang kanyang naging pasiya na sagutin ang pamimintuho ni Mangabat lalu na’t naniniwala sila na may sapat na kaisipan at kaalaman ang dalaga kaya’t marapat lamang na igalang din nila ang tinitibok ng puso ng anak.

Nang lumalim na ang relasyon nina Jem at Mangabat, dito na nagsimulang magtaka ang mga kaanak ng dalaga dahil napapadalas ang paghingi ng salapi ng babae sa kanyang mga magulang na ang laging ikinakatuwiran ay para sa kanyang pag-aaral.

Hindi naman pinag­dudahan ng mga magulang ni Jem ang madalas na panghihingi ng salapi ng anak lalu na’t batid din naman nila na sadyang maraming pinagkakagastusan ang mga estudyanteng malapit ng magtapos sa kanilang kurso dahil na rin sa dami ng mga school projects na dapat tapusin.

Wala rin sa hinagap ng mga magulang ni Jem na baka hinuhuthutan lamang ng kanyang boyfriend ang anak dahil kilala nila ang makapangyarihang pamilya ng mga Ortega na may sapat na kabuhayan at hindi kailanman nagsasamantala para magkamal ng salapi.

Maging ang mga ka-klase at malalapit na kaibigan ni Jem ay nagtataka na rin sa kakaibang ikinikilos ng dalaga kapag magkakasama sila sa pamantasan lalu na kapag kasama ng dalaga ang kasintahan.

Sa kabila ng kakaibang ikinikilos ng dalaga, nagpatuloy pa rin ang kanyang pakikipag-relasyon kay Mangabat hanggang noong Agosto 3, taong 2015, nagpaalam si Jem sa kanyang amang si Reynaldo Andres na na hindi muna siya uuwi dahil tatapusin nila ang school project sa bahay ng isa niyang ka-klase.

Hindi naman pinaghinalaan ni Mang Reynaldo ang anak dahil bilang isa ring kawani ng Mariano Marcos State University na nakatalaga sa Communication and Media Relations Office, batid niya ang dami ng mga school projects na ipinagagawa ng mga professor sa mga graduating students.

Gayunman, kinabukasan, Agosto 4, 2015, pasado alas-5 ng madaling araw, isang bangkay ng babae, na nakasuot ng puting short at kulay asul na midrib blouse ang natagpuan ng mga residente na duguang nakahandusay sa gilid ng ginagawang lansangan ng Barangay San Cristobal sa bayan ng Sarrat, lalawigan ng Ilocos Norte.

Sa pagsisiyast ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) may tama ng bala sa ulo ang biktima na kalaunan ay nakilala na rin bilang si Jemima Kezia Mata Andres, ang magandang anak ni Mang Rolando.

Halos pagsakluban ng langit at lupa ang mga magulang ni Jem nang makita ang kalunos-lunos at duguang bangkay ni Jem na nakahandusay sa gilid ng ginagawang lansangan.

Sa kanyang pahayag sa pulisya, sinabi ni Mang Reynaldo na bago pa man magpaalam sa kanya si Jem na hindi makakauwi dahil may tatapusing school project sa bahay ng isang ka-klase, nakatanggap siya ng mensahe mula sa kanyang anak sa pamamagitan ng text na humihingi ng P15,000 para aniya panggastos sa kanilang school project.

Idinagdag pa sa mensahe ni Jem na ipadala na lamang sa pangalan ng kanyang kasintahang si Francis Ortega ang salapi dahil wala sa kanya ang school identification card (ID) kaya’t naniniwala si Mang Reynaldo na magkasama ang dalawa.

Nang maipadala ni Mang Reynaldo ang salapi sa pamamagitan ng money transfer, tinawagan niya ang anak upang ipabatid na naipadala na niya ang perang kinakailangan sa school project subalit hindi aniya sumasagot sa kanyang tawag si Jem.

Dahil dito, sinabi ni Mang Reynaldo sa pulisya na tiyak na may kinalaman sa pagpatay sa kanyang anak si Francis Ortega dahil maging ang lalaki ay hindi na rin aniya lumutang at hindi na rin mahagilap ng pulisya upang ipaliwanag kung paano napatay si Jem.

Humingi rin ng tulong bilang kawani ng MMSU si Mang Reynaldo sa matataas na opisyal ng pamahalaan, partikular kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos na tulungan ang kanyang pamilya na malutas karumaldumal na pagpatay sa kanyang anak dahil ang alam niya ay kabilang sa maimpluwensiyang pamilya ng mga Ortega ang suspek na kasintahan ng kanyang anak.

Nang puntahan ng mga tauhan ng pulisya ang bahay na tinutuluyan ng inakala nilang si Francis Domingo Ortega, wala na sa kanyang tinutuluyan ang lalaki, pati na ang kanyang inang si Adelia at bitbit na rin ng mag-ina ang kanilang mga dami at mahahalaga gamit.

Dahil dito, naglunsad ng malawakang pag-TUGIS ang pamunuan ng Ilocos Norte Philippine National Police (PNP) pati na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa agarang ikadarakip ng suspek subalit bigo silang matunton kaagad si Mangabat.

Nang mabigo ang kapulisan na madakip si Mangabat, inihain ng Ilocos Norte PNP ang kasong murder laban sa isang Francis Domingo Ortega na siyang ginamit na alyas ni Mangabat sa tanggapan ng Laoag City Prosecutor’s Office.

Dahil wala kahit anino ng isang Francis Ortega o ng kanyang abogado ang dumalo sa pagdinig ng piskalya, naglabas ng resolusyon ang tagausig na nagpapatunay na may sapat na katibayan upang sampahan ng kasong murder ang akusado.

Matapos mai-raffle ang kaso, bumagsak ang usapin sa sala ni Laoag City Regional Trial Court (RTC) Judge Francisco R.D. Quilala ng Branch 14 na kaagad naglabas ng warrant of arrest para sa agarang ikadarakip ng akusado sa pagpatay sa graduating college student na si Jemima Kezia Andres.

Dahil na rin sa pagkabigo ng Ilocos Norte PNP at ng CIDG na madakip ang nagpapakilalang Francis Ortega, pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso kaya’t natukoy din ang tunay na pagkakakilanlan sa akusado bilang si Victorino Mangabat Jr. o Jay-Ar Mangabat.

Gayunman, hindi rin matunton ng NBI ang kinaroroonan ni Mangabat kaya’t inilagay ang kanyang pangalan bilang most wanted person ng Ilocos Region.

Sa pahayag sa TUGIS ni Col. Tamayao, mula sa Ilocos Norte ay nagtago sa Albay sa Bicol region si Mangabat, kasama ang inang si Adalia at ang magta-tatlong taong gulang na anak niyang lalaki na si JB.

Sa isang bayan sa Albay nakilala ni Mangabat ang 25-anyos na si Juliet Latade na isang dating overseas Filipino worker (OFW) na kanyang kinaibigan at pinangakuang tutulungan sa kanyang ambisyon na muling makaalis ng bansa.

Napaniwala naman si Juliet sa mga pangakong binitiwan ni Mangabat kaya’t pinanghawakan niya ang mga salita ng lalaki para maging malapit sila sa isa’t-isa.

Sinamantala naman ito ni Mangabat at muli niyang ginamit ang kanyang karisma upang ligawan ang babae at pangatawanan ang binitiwang pangako na tutulungan niyang makaalis palabas ng bansa si Juliet.

Hindi naman nagtagal ay naging magkasintahan ang dalawa hanggang tuluyang maging sunud-sunuran na lamang si Juliet sa anumang kagustuhan ni Mangabat dahil na rin sa takot na gawan ng masama ng lalaki.

Natuklasan na kasi ni Juliet ang mga illegal na aktibidad na ginagawa ng kasintahan sa kanilang bayan sa Albay at ipinagtapat na rin nito sa dalaga ang ginawang pagpatay sa kasintahang si Jem bago siya nagtago sa Bicol Region.

Sinabi pa ni Col. Tamayao sa TUGIS na inamin ni Mangabat kay Juliet ang ginawa niya ring pagpatay sa asawa, na siyang ina ng kanyang tatlong taong gulang na anak na si JB, noong naninirahan pa sila sa Barangay Carabatas, Grande, Centro Cauayan sa lalawigan ng Isabela.

Inamin umano ni Mangabat kay Juliet ang pagpatay at tiniyak na hindi na makikita ninuman ang bangkay ng ginang dahil tinadtad niya ng pinong-pino ang katawan nito at ipinakain sa mga isda sa isang palaisdaan na dati nilang pag-aari.

Sinabi umano ni Mangabat kay Juliet na ito ang dahilan kaya’t naglahong parang bula ang kanyang asawa at walang sinuman ang nakabatid kung nasaan ang ginang.

Ayon kay Col. Tamayao, mahalaga sa isang krimen na makita ang katawan ng biktima upang umusad ang kaso at dahil may umiiral na prinsipyo ng “corpus delicti” o body of the crime na isa sa jurisprudence o may kapasyahan na ang mga mahistrado ng Korte Suprema, walang dahilan upang sampahan ng kasong parricide si Mangabat kahit inamin niya sa kasintahan ang ginawang pagpatay sa asawa.

Hindi na rin aniya na nagawa pang suriin ng mga awtoridad sa Cauayan, Isabela ang sinasabing palaisdaan kung saan ipinakain umano ni Mangabat ang tinadtad na katawan ng ginang dahil mahigit isang taon na ang nakalilipas matapos aminin umano ng akusado kay Juliet ang karumal-dumal na krimen.

Ang ginawang pag-amin ni Mangabat sa kasintahang si Juliet kaugnay sa mga krimeng kanyang ginawa at iba pang kasong kanyang kinasasangkutan ay isang paraan din upang takutin ang dalaga at maging sunud-sunuran sa kanyang mga kagustuhan.

Noong Agosto 16, 2015, ipinasiya ni Mangabat, kasama ang inang si Adalia at anak na si JB, na umalis na sa lalawigan ng Albay at puwersahan din niyang isinama si Juliet matapos na maging wanted na rin sa mga kagawad ng PNP sanhi ng mga kinasasangkutang kaso ng estafa at robbery.

Mula sa Bicol region, pansamantalang nagtago sa lungsod ng Maynila si Mangabat at gamit ang salaping kinita sa mga kinasangkutang kaso ng pagnanakaw at estafa, pansamantala silang naninirahang mag-ina sa isang mumurahing hotel, kasama rin si Juliet.

Dahil sanay ng gumawa ng illegal na aktibidad, sinabi ni Col. Tamayao sa TUGIS na muling nasangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen sa Maynila at iba pang lungsod sa Metro Manila si Mangabat, kabilang na ang pagtangay sa ilang mga sasakyan na kanyang ginagamit sa pagtakas sa mga tumutugis na awtoridad.

Isa sa mga sasakyang tinangay ni Mangabat ang kulay puting Montero sports utility vehicle na kanyang ginamit nang lisanin ang Maynila sa takot na masakote na siya ng mga pulis makaraang masangkot sa mga ilegal na aktibidad.

Natuklasan din ni Mangabat na kumikilos na ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) pati na ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para magsagawa ng pag-TUGIS laban sa kanya kaya’t ipinasiya niyang lisanin ang Metro Manila lalu na’t batid niyang sumisikip na rin ang mundo niya sa kalungsuran.

Gamit ang tinangay na sasakyan na kanyang pinalitan ng plaka mula sa iba pang ninakaw na sasakyan, muling tinahak ni Mangabat ang daan patungo sa Region 2 ng Cagayan Valley, ang itinuturing na pinakamalaking rehiyon sa hilagang silangan ng Luzon na kinapapalooban ng limang malalaking lalawigan at apat na lungsod, kabilang ang Tuguegarao.

Sa naging pahayag pa ni Juliet kay Col. Tamayao na noon ay siyang chief of police ng lungsod ng Tuguegarao, ilang araw din silang nanatili sa isang liblib na lugar sa hindi niya matukoy na lalawigan sa Cagayan Valley at ginamit nilang tirahan ang tinangay ni Mangabat na sports utility vehicle (SUV) na may nakakabit na plakang VEM-787.

Idinagdag pa ni Juliet sa kanyang pahayag sa pulisya na nakakapaligo lamang umano sila sa isang malinis na ilog at ang mga baon nilang pagkain ang kanilang pinaghahatian upang mairaos ang kanilang gutom.

Nang maubos na ang baong pagkain, ipinasiya ni Mangabat na lisanin ang liblib na lugar at dahil nag-iba na ng bahagya ang kanyang pigura matapos magpahaba ng bigote at balbas, naglakas-loob siyang magtungo sa lungsod ng Tuguegarao upang humanap ng pagkakakitaan kahit pa nga batid niyang wanted na siya sa batas at itinuturing ng kapulisan bilang Number 1 most wanted person ng Region 2.

Pagsapit niya Tuguegarao city, napansin ni Mangabat na paubos na ang gasolina ng minamaneho niyang sasakyan kaya’t ipinasiya niyang magpakarga sa isang gasoline station ng Petron sa Barangay Tagga.

Gayunman, sa halip na bayaran ang P1,600 na halaga ng gasolinang ikinarga sa gamit na sasakyan, mabilis na pinaharurot ni Mangabat ang SUV patungo sa hindi nabatid na lugar.

Ang hindi alam ni Mangabat, may nakakabit na close circuit television camera (CCTV) sa gasoline station kaya’t nang rebisahin ito ng pulisya matapos magharin ng reklamo ang kinatawan ng gas station, natukoy ng mga pulis ang plate number ng sasakyan.

Nang makarating ito sa kaalaman ni Tuguegarao police chief Col. Jessie Tamayao, iniutos niya ang paglalabas ng flash alarm sa kulay puting Montero SUV na may plakang VEM-787 na minamaneno ni Mangabat.

Pasado alas-11 ng umaga noong Enero 18, 2016 nang makatanggap ng impormasyon ang Tuguegarao police station kaugnay sa nakitang SUV na tumutugma sa inilabas na flash alarm sa bisinidad ng Taft Street, malapit sa Dingkoy’s Videoke Bar.

Kaagad na iniutos ni Col. Tamayao kina SPO4 Francisco Castillo at PO1 Perfecto Maribbay, kapuwa nakatalaga sa Alert Team ng Tuguegarao police station na magtungo sa naturang lugar at dito nila natiyempuhan ang sasakyan ni Mangabat dakong alas-11:45 ng umaga.

Nang matunugan ni Mangabat ang paparating na mobile patrol, patay-malisyang pinaharurot niya ang sasakyan kaya’t hinabol sila ng dalawang pulis hanggang abutan sa Luna Extension, Ugac Norte, sa tapat ng Petron Bacud Gasoline station.

Inatasan ni SPO4 Castillo si Mangabat na ihinto ang sasakyan subalit sa halip na tumalima, lalu pang niyang pinaharurot ang sasakyan patungo sa Centro 10 kung saan binangga na niya ang iba pang sasakyan upang makalusot patungong Eastern Barangay.

Hindi naman tumigil ang miyembro ng Alert Team sa pag-TUGIS kay Mangabat hanggang sa muntik na niyang masagasaan ang mga batang mag-aaral na tumatawid sa lansangan sa harap ng Libag Elementary School sa Maharlika Highway, Barangay Libag Norte.

Pagsapit sa Barangay Gosi, natanawan ni Mangabat ang isinasagawang checkpoint ng Community Police Unit o COMPAC subalit sa halip na tumigil, binangga niya ang nakalagay na barikada na naging daan upang bumagal ang takbo ng SUV.

Dahil dito, nabangga ang likuran bahagi ng sasakyan ni Mangabat ng mobile car na tumutugis sa kanya subalit sa halip na tuluyang huminto, muli niyang pinaharurot ang sasakyan patungo sa Barangay Dadda.

Sa pag-aakalang nailigaw na niya ang mga tumu-TUGIS na pulis, kumanan patungo sa Allam Street si Mangabat at itinago ang minamanehong sasakyan sa isang madamong lugar subalit natunton din siya ng dalawang miyembro ng Alert Team ng Tuguegarao police.

Huli nang makita ni Mangabat ang paparating na mobile patrol dahil nakababa na siya sa minamanehong sasakyan kaya’t sa pagnanais na tumakas, nagtatakbo siyang palayo hanggang tuluyang masukol sa hindi kalayuan.

Inatasan ni SPO4 Castillo si Mangabat na sumuko ng matiwasay nang mamataang may hawak na bagay na itinago sa kanyang likuran. Sa halip na sumuko, unti-unting lumapit si Mangabat kay SPO4 Castillo habang nakalagay pa rin ang isang kamay sa kanyang likuran.

Isang malaking tipak na bato pala ang hawak ni Mangabat na tinangka niyang ihataw sa ulo ni SPO4 Castillo subalit nasangga ito ng pulis. Dito na nagkaroon ng pagkakataon si Mangabat na agawin ang hawak na baril ni SPO4 Castillo subalit sa kanilang pag-aagawan, pumutok ang baril at tumama ang bala sa dibdib ng suspek.

Isinugod naman kaagad ng nagrespondeng Rescue 1111 si Mangabat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kung saan kaagad siyang isinailalim sa maselang operasyon.

Bago pa man masukol nina SPO4 Castillo at PO1 Maribbay si Mangabat, natanawan na rin nila ang pagbaba sa sasakyan na kanilang tinutugis ang isang may edad ng babae, kasabay ang isa pang kabataang babae na may kasamang batang lalaki.

Ang mga tauhan na ng COMPAC sa Barangay Gosi ang nagdala sa tatlo sa tanggapan ng Woman and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Tuguegarao police station at ipinabatid na rin ang pagkakasangkot nila sa krimen sa lokal na tanggapan ng City Social Welfare Department (CSWD) ng naturang lungsod.

Nang suriin ng SOCO ang SUV na ginamit sa pagtakas ni Mangabat, natuklasan na ang plakang nakakabit dito ay hindi tumutugma sa nakarehistrong chassis number at engine number ng sasakyan kaya’t tumibay ang paniniwala ng pulisya na kabilang ito sa mga kinarnap na sasakyan.

Sa pagsisiyasat na isinagawa ng Tuguegarao police, dito na natuklasan ni Col. Tamayao na ang lalaking nakaratay sa pagamutan matapos manlaban sa kanyang tauhan ay si Victorino Mangabat, Jr. ang itinuturing na Most Wanted Person ng Ilocos Region na sangkot sa mga pagpatay sa graduating student na si Jemima Kezia Andres at may kinalaman din sa paglalahong bula ng kanyang asawa.

May nakabimbin ding warrant of arrest sa kasong murder na inilabas ni Laoag City RTC Judge Francisco Quillala ng Branch 14 kaugnay sa ginawa niyang pagpatay kay Jem.

Bukod sa kasong murder, carnapping, robbery at estafa, nahaharap din sa kasong kidnapping si Mangabat matapos aminin ni Juliet na puwersahan siyang tinangay at tinakot ng suspek noong Agosto 16 ng 2015 sa kanilang lalawigan sa Albay Bicol region.

Gayunman, ang lahat ng mga kasong kinakaharap ni Mangabat ay nawalan na rin ng saysay matapos siyang malagutan ng hininga noong Enero 19, 2016, isang araw makaraan siyang isugod sa pagamutan sanhi ng tama ng bala sa dibdib.

Sa pahayag ni Col. Tamayao sa TUGIS, sinabi niya na hanggang sa huling sandali ng buhay ni Mangabat ay walang nakitang pagsisisi sa kanyang mga ginawang kasalanan at sa halip ay tiwala pa aniyang malulusutan ang patong-patong na kasong kanyang kinakaharap.

Sa pagkamatay ni Mangabat, sinabi ni Col. Tamayao na natuldukan na rin ang maraming katanungan kung paano niya nagawang tadtarin ng pinong-pino ang asawa at ipakain sa mga isda, pati na ang pagkumbinsi niya sa kanyang inang si Adalia na umayon sa kanyang mga ginagawang ilegal na aktibidad.

Sa kabila nito, nakahinga naman ng maluwag ang magulang ng graduating student na si Jem dahil nabigyan na rin ng hustisya ang ginawang pagpatay sa kanilang anak matapos malagutan ng hininga si Mangabat.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.