Abante Tonite Interactive

Ginang tinarget sa ulo

221

By Orlan Linde

Malapitang binaril sa ulo ng isa sa dalawang lalaki ang isang ginang habang sakay ng tricycle sa Malabon City kamalalawa.

Nakaratay ngayon sa intensive care unit ng Jose Reyes Memorial Hospital si Sheryl Pineda, 48, naninirahan sa Block 1, Lot 10, SMC HOA, Sitio 6, Brgy. Catmon dahil sa tinamong bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo.

Tila parang walang nangyari namang nag­lakad lang papalayo ang dalawang suspek matapos ang pamamaril.

Sa imbestigasyon nina P/Cpl. Joenel Clano at P/Cpl. Michael Oben ng Station Investigation Division ng Malabon Police, alas-dos ng hapon nang maganap ang pamamaril sa Gover­nor Pascual Ave­nue, SMC, Sitio 6, Brgy. Catmon.

Kasama ni Pineda ang pamangking si Jhan Ronquillo at nag-aabang ng tricycle upang duma­law sana sa nakakulong nitong ka-live in.

Pag-upo sa loob ng tricycle ng magtiyahin ay biglang sumulpot ang dalawang lalaki na nakaitim na jacket at surgical mask.

Isa sa salarin ay dumiretso sa ginang at binaril ito sa ulo. Hindi naman sinaktan ng mga suspek si Jhan.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang motibo sa pagbaril at pagkaka­kilanlan ng mga suspek.