Abante Tonite Interactive

GINS SAPAW SA PHOENIX

124

Hindi pinaporma ng Phoenix ang Ginebra 79-73 sa PhilSports Arena kagabi.

Sa first game ng PBA Philippine Cup, pinagsarhan ng Alaska ang Mahindra sa quarterfinals nang itakbo ang 107-91 panalo. Angat sa 5-4 ang Aces para paypayan ang tsansa sa playoffs, sadsad sa 2-7 ang Floodbuster at out na sa contention kasama ng NLEX at Meralco.

Pinangunahan ng bagong mi­yembro ng Gilas 5.0 pool na si Calvin Abueva ang Aces sa kinamadang all-around game na 18 points, 10 rebounds, three blocks at tig-isang assist at steal. May team-high 20 points si Vic Manuel.

Naghiwalay naman ang Fuel Masters at Gin Kings, kinubra ng hukbo ni Ariel Vanguardia ang pang-anim na panalo sa 10 laro samantalang dumausdos sa 5-5 ang koponan ni Tim Cone.

Ininda ng Gin Kings ang pagliban ni Japeth Aguilar na nagkaroon ng hyperextended right elbow nang dumakdak sa first half ng 99-90 win nila sa Blackwater noong Biyernes.

“Partida ‘yun, kulang sila ang hirap manalo,” lahad ni Vanguardia. “I’ve been looking forward to having a chance to coach against coach Tim. You cannot outcoach him but I told my guys, ‘you gotta help me outwork them.’”

Pinangunahan ng 18 points, five rebounds at five assists ni Matthew Wright ang Phoenix, may 16 pa si Simon Enciso.