Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ginto na, naging bato pa

0 119

Kung minsan dapat din nating pahalagahan ang mga sinaunang kasabihan na unti-unti na ngayong nabubura dahil sa modernisasyon. Katulad na lamang ng nangyari sa mga teen housemate ng ‘Pinoy Big Brother’ na nangamote kamakailan sa quiz show.

Bagamat umani ang mga tinedyer ng batikos sa social media, marami naman ang nakakaunawa dahil sa malaking pagbabago sa sistem ng edukasyon sa bansa simula nang ipatupad ang K to 12 program. Kung tungkol sa mga bayani at general information, hindi nila masagot, lalo pa kaya ang mga kasabihan.

Pero ang mga mambabatas, hindi rin yata pinapahalagahan ang mga kasabihan.

Nangyari ito nang i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang SIM Card Registration Act dahil sa mga dinagdag na probisyon sa panukala tulad ng sapilitang pagpaparehistro ng social media account ng mga subscriber.

Halos dalawang dekada rin na nangitlog ang panukala sa Senado at Kamara dahil sa hindi ito maipasa. Ngayong 18th Congress lamang ito nakalusot pero binasura naman ni Pangulong Duterte.

Ang orihinal na bersyon lang kasi ng panukala ay ang mandatory registration sa lahat ng subscriber identity module (SIM) cards. Kung ito lang ang naging laman ng panukala, posibleng naging batas na ito.

Pero may ilang mambabatas ang hindi pa nakuntento. Kumbaga, naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala. Ginto na sana, naging bato pa.

Sabi ni Senate President Vicente Sotto III, puwede pa raw maisalba ang panukala sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Mayo pagkatapos ng halalan. Pero ang formula niya, masyadong complicated. Mukhang hindi pa yata nangyayari kung tama ang aking memorya.

Una kasi, kailangang i-override ng Kongreso ang presidential veto sa SIM Card Registration Act upang maging ganap na batas. Pagkatapos nito, ipepetisyon sa Supreme Court ang kinukuwestyong probisyon upang mapawalang-bisa.

Hindi kasalanan ni Sotto kung bakit na-veto ang nasabing panukala pero humahanga tayo sa pagpupursige ng lider ng Senado para maisalba ang panukalang batas sa mga natitirang araw ng 18th Congress. Sayang nga naman kasi ang panukalang ito.

Sa 19th Congress, iba na ang magiging Senate President, iba na rin ang Presidente ng Pilipinas.

Sa tingin ko, malabong makapasa sa susunod na administrasyon ang panukalang SIM Card Registration Act at ang hiwalay na Social Media Registration Bill.

Kung naluklok sa pagpapakalat ng fake news at disinformation ang susunod na Pangulo ng bansa, aasa ka pa bang papasa ang mga panukalang batas na ating binanggit?

Leave A Reply

Your email address will not be published.