Abante Tonite Interactive

Ginto nasabat sa 2 Chinese police

By
1,352

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) kamakalawa ang may 1.9 kilo ng ginto na tinangkang ipuslit ng da­lawang Chinese police sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang nag-e-escort ng 8 nilang kababayang deportees palabas ng bansa makaraang maaresto sa illegal online gambling.

Ayon sa report ni Customs on-duty supervisor Charlon Tejada ng NAIA Terminal 2 kay NAIA-Customs District Collector Mimel Talusan, nag-isyu ang Customs ng Held Baggage Receipt (HBR) sa dalawang Chinese police officer na nakilalang sina Yang Jie at Shi Senlin para mag-secure ng kaukulang permit o clearance sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang madala nila palabas ng bansa ang 1.9 solid gold.

Sinabi ni Tejada na inalerto ang Customs ng Office of Transportation Security (OTS) matapos na makita ang ginto sa initial security X-ray sa departure area ng NAIA Terminal 2 .

Inihayag ni Collector Talusan na ang 1.9 kilong ginto ay kinabibilangan ng 9 gold coins, isang pirasong Elizabeth 11 na $100 dollar gold coin, 2 pirasong gold bars AU 999.9, 2 pirasong 500 CTF/999.9 gold bars at 6 pirasong gold bracelets na nakalagay sa kahon at binalot ng plastic wrapper.

Idinagdag ni Talusan na pansamantala nilang pinigil ang ginto at inilagay sa Customs custody dahil labag ito sa Section 117 o ang Regulated Importation and Exportation ng CMTA o ang RA 10863.

Inamin ng dalawang Chinese police na pag-aari ng China ang mga ginto subalit ito ay ipinasok nang iligal sa bansa.