Abante Tonite Interactive

Girl power sa Asian Games

By
125

Habang ginagawa natin ang pitak na ito, nasa ika-19 na posisyon ang Pilipinas sa standing ng ginaganap na Asian Games 2018 sa Jakarta, Indonesia. At sa 15 medalya na nakuha ng ating mga manlalaro, tatlo dito ang ginto na mula sa ating mga matitikas na atletang babae.

Kung hindi dahil sa tatlong ginto na nakuha nina Hidilyn Diaz [Weightlifting]; Yuka Saso [Golf Women’s individual]; at Saso, Bianca Pagdanganan, at Lois Kaye Go [Golf Women’s team], aba’y baka mas nasa ibaba pa tayo ng standing ng mga lumahok na 35 bansa at teritoryo.

Hindi lang iyon, sa 12 bronze medal na nakuha ng ating mga manlalaro, walo rito ay mula pa rin sa mga babae na sina Janna Oliva, Juvenile Crisostomo, Rinna Babanto [Taekwondo/Wo­men’s team poomsa], ­Agatha Chrystenzen Wong [Wushu/Women’s taijiquan], Pauline Louise Lopez [Taekwondo], Divine Wally [Wushu], Margarita Ochoa [Jiu Jitsu/Newaza], Bianca Pagda­nganan, [Golf Women’s individual], Cherry May Regalado [Pencak Silat], at Junna Tsukii [Karate].

Sa 15 medalya, napantayan na natin ang dami ng medalya na nakuha ng bansa noong 2014 Asian Games na ginanap sa South Korea kung saan nagtapos ang Pilipinas sa ika-22 puwesto. Pero kung tutuusin, mas nahigitan na ngayon ang ‘bigat’ ng nakuhang mga medalya dahil isang gold medal lang ang nakuha noong 2014 na nagmula sa cycling. Gayunman, may tatlong silver medal noong 2014 habang ngayon ay wala pa [sa September 2 pa magtatapos ang kompetisyon].

Sa ipinamalas na ga­ling ng mga Pinay na­ting manlalaro, makikita na hindi sila dapat balewalain ng ating mga sport official. Kung dati ay masyadong umaasa tayo sa mga maskulado nating male athlete sa boxing, martial arts, basketball at iba pa, ngayon ay pinatunayan ng mga atletang Pinay na talagang maaasahan sila sa paghakot ng medalya.

Kung tutuusin, mas maganda pa nga sigu­ro kung si Hidilyn ang pinagdala natin ng bandila ng Pilipinas sa pagbubukas ng Asian Games dahil siya ang silver medalist natin noong 2016 Olympics. Ang kaso, NBA Fil-Am player si Jordan Clarkson ang napiling magdala ng ating watawat.

Si Clarkson ang ina­asahan ng koponan natin sa basketball pero pinataob na sila ng South Korea at mabuti na lang nanalo kontra Japan.

Pagkatapos ng Asian Games sa Indonesia, may apat na taon muli ang mga manlalaro natin para maghanda sa 2022 Asian Games na gaganapin naman sa China. Mula nang magsimula ang Asian Games sa Delhi, India noong 1951, dala­wang beses nang naging host ng palaro ang China [1990 sa Beijing at sa Guangzhou noong 2010].

Ang Pilipinas ang ikalawang bansa na na­ging host ng Asian Games noong 1954, at hindi pa muling nasusundan. Nagpalipat-lipat na ang hos­ting ng naturang torneo sa Japan [1958 at 1994], Indonesia [1962], Thailand [1966, 1970, 1978, 1998], Iran [1974], India [1951, 1982], Qatar [2006], South Korea [1986, 2002, 2014].

Bagaman mayroong panibagong apat na taon para paghandaan ang ating mga manlalaro ang susunod na Asian Games, aabangan muna natin kung sino ang a­ting mga magiging pambatong atleta sa 2020 Olympic Games na gaganapin naman sa Japan. Malay natin, baka isang babae ang magbigay ng ating kauna-unahang gold medal sa Olympics sa isang sports event na hindi natin inaasahan gaya nang ginawa ni Hidilyn sa weightlifting. Ika nga ng ating kurimaw, go girls! La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”