Abante Tonite Interactive

Gitgitan sa traffic: Trike driver tinutukan ng baril ng negosyante

343

Kulungan ang kinasadlakan ng isang negosyante na nagpakilalang pulis makaraang tutukan ng baril ang nakagitgitang tricycle driver sa Quezon City, nitong Martes nang gabi.

Sa ulat ni PCol. Benjamin Gabriel, hepe ng Quezon City Police District Talipapa Station 3, ang dinakip na negosyante ay si Norman Pilares, 55, ng No. 32 Caliraya St., Napocor Village, Brgy. Tandang Sora, QC.

Naganap ang insidente alas-6:00 nang gabi sa Quirino Highway corner Baesa Road, Brgy. Baesa, QC.

Nag-counter flow umano si Pilares sa Quirino Highway habang sakay ng gray na Toyota Innova (NEI 3455), at sinakop ang linya ni Alfred Naje, 22, na nagmamaneho ng kanyang tricycle, na nakasalubong niya.

Dahil dito ay nagtalo ang dalawa. Tinutukan ng baril ng suspek ang biktima na agad namang humingi ng tulong kina Police Corporals Alvin Wakat at Domingo Cadangan.

Kinompronta ng mga pulis ang suspek subalit nagpakilala itong pulis.

Nang hingan ng PNP ID at wala itong maipakita ay binitbit sa presinto at kinumpiska ang kanyang cal. .38 revolver na baril na may anim na bala. (Dolly Cabreza)