Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Giyera ni Gierran

0 85

EXCITING ang pagpasok ni dating National Bureau of Investigation (NBI) director Dante Gierran bilang pinuno ng Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth. Parang playoffs ito sa National Basketball Association (NBA) kung saan mainit ang labanan ng bawat koponan sa bubble.

Maituturing na bagito si Gierran sa industriya ng health insurance. Pero sa kanyang pagiging abogado, accountant at higit sa lahat ay dedikasyon nito sa trabaho, nakatitiyak tayong magagampanan niya nang maayos ang ibinilin sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mantakin nyo ba naman kasing sa gitna ng pandemya, nagawa pa ng mga taong nakaupo sa PhilHealth na gumawa ng kabulastugan. Kaya naman ang unang tatrabahuin ni Gierran ay ang pagsyapol sa mga kapit-tukong regional vice president.

Dalawang taon na lang sa kanyang termino ang Pangulo kaya nakatitiyak tayong gagawin ni Gierran ang lahat ng kanyang makakaya para mapanagot ang mga taong nagpayaman mula sa pondo ng PhilHealth.

Malinaw ang bilin ni Duterte na dapat ay may makulong sa mga nagsamantala sa pondo ng PhilHealth. Hindi lang dapat maliliit na isda kundi yung mga matataba o yung lumobo ang bulsa sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Nakalulungkot din na kahit itinuturing na mga bagong bayani ang mga doktor sa panahon ng laban kontra COVID-19, ilan sa kanila ang itinuturong sangkot sa kontrobersya. Mismong ang nagbitiw na PhilHealth president at CEO Ricardo Morales ang naghugas kamay este nagturo sa partisipasyon ng health professionals sa kalokohang ito. Ang mga health professional daw kasi ang gumagawa ng pandaraya sa singil at taga-bayad lang ang PhilHealth.

Napilitang magbitiw si Morales matapos pumutok ang mga iregularidad sa PhilHealth tulad ng advance payment sa mga ospital at healthcare facilities, kahit na hindi konektado sa pasyenteng may COVID. Ginawa ito sa kontrobersyal na Internal Reimbursement Mechanism na pinatigil na ng ahensiya. Bukod dito, kinalkal din ang overpriced IT project at ang pagbabayad ng withholding tax gamit ang operating fund ng PhilHealth.

Kaya naman maraming manggagawa ang pumuputok ang butse sa kurakutan ng PhilHealth fund. Bahagi kasi ng kanilang suweldo ay napupunta rito. Hindi naman ito katulad ng Social Security System (SSS) na naiipon ang binabayad na premium upang may mahugot sa pagreretiro.

Kung dalawang dekada nang naghuhulog ng premium ang miyembro at bihirang magkasakit o maospital, luging-lugi siya dahil hindi naman niya makukubra ang mga binayad niya. Hindi naman natin sinasabing maospital ang manggagawa dahil ang kalusugan pa rin ang itinuturing na kayamanan ng bawat Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.