Abante Tonite Interactive

GlobalPort naisahan ang San Miguel

PRINGLE NANGGIGIL!

By
2,365

Mga laro bukas
(MOA Arena)
4:30 pm -Meralco vs Blackwater
7:00 pm – NLEX vs Alaska

Naisahan din nina Stanley Pringle at Coach Pido Jarencio ang team na hindi pa tinatalo ng GlobalPort mula noong nakaraang season.

Napaaga ang balik sa dugout ni import Malcolm White dahil sa dalawang technical fouls, naigapang ng Batang Pier ang pahirapang 98-94 panalo laban sa San Miguel Beer sa unang laro ng PBA Commissioner’s Cup sa MOA Arena kagabi.

“Bugbog na kami sa talo diyan,” natatawa at parang hindi makapaniwalang pahayag ni Jarencio sa post game news conference.

Sa haba ng kalbaryo sa Beermen, hindi na matandaan ng coach kung nakailang talo na sila sa team ni Leo Austria.

“Never ko pang tinalo ‘yan, ilang games na, parang apat limang taon na yata na hindi tinatalo ng GlobalPort ang San Miguel,” dagdag ni Jarencio matapos ihatid ang GlobalPort sa 4-4 palundag sa fifth spot.

Tumapos ang kaga­galing lang sa kampanya sa FIBA 3×3 World Cup na si Pringle ng 22 points -17 dito sa second half. Nagdagdag pa siya ng eight assists at six rebounds. Umayuda si Sean Anthony ng 11 points, 9 rebounds at 5 assists.

Pinangunahan ng 33 points, 13 rebounds ni Balkman ang San Miguel, dumausdos sa 3-4 para matengga sa eighth.

Sa 13 points ni Renaldo Balkman sa third ay umagwat ang SMB ng hanggang 69-57 pero nagawang ibaba ng Batang Pier sa 79-71 papasok ng fourth.

Dumating ang pa­ngalawang T ni White 8:09 sa laro nang mahambalos nito sa mukha si Balkman. Pasok ang drive ni Balkman, ibinaon ni Marcio Lassiter ang technical free throw at umagwat ang SMB 86-80.

Nakaipon ng 25 points at 10 rebounds si White bago na-eject.