Abante Tonite Interactive

Gloria kasuhan sa dinoktor na budget – Ping

468

Naniniwala si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na puwedeng makasuhan si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ng falsification of legislative documents dahil sa pagkalikot ng Kamara sa 2019 national budget matapos itong aprubahan ng bicameral conference committee.

Ayon kay Lacson, ang binagong House version ng 2019 national budget ay malinaw na pag­labag sa Konstitusyon dahil iba ito kumpara sa budget bill na inaprubahan ng Senado at Kamara noong Pebrero 8.

Bagama’t hindi pa napi­pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 national budget, sinabi ni Lacson na kuwalipikado pa rin si Arroyo sa pagpapalsipika kung kaya’t ang sinumang nagnanais na magreklamo laban kay Arroyo ay maaari nang magsampa ng criminal complaint sa Office of the Ombudsman o sa Department of Justice (DOJ).

“Hindi consummated ‘yung GAA (2019 General Appropriations Act) but the act of falsifying or signing a falsified document is already consummated so any taxpayer can already go to the Ombudsman or the DOJ to file a criminal complaint against her for falsification,” sabi pa ni Lacson.

Samantala, kinumpirma ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na aabot sa P96B ang diumano’y kinalikot ni Arroyo at ng mga bata nito sa Kamara sa 2019 national budget.

Batay aniya ito sa impormasyong iniulat sa kanya ng Le­gislative Budget Research and Monitoring Office ng Senado matapos kilatisin ang isi­numiteng printed copy ng GAA mula sa Kamara.

“Oo maliwanag dito sa nakikita ng LBRMO, Legislative Budget Research and Monitoring Office, maliwanag na nagalaw. Mas Malaki pa..at ito ay ginawa after ratification. Kung ginawa nila ito bago mag-bicam wala silang maririnig sa amin,” sabi ni Sotto.

Sa dinner meeting noong Martes sa Malacañang ay nanindigan si Sotto na hindi pipirmahan ang budget bill dahil malinaw anya na paglabag ito sa Revised Penal Code at sa Konstitusyon.

“Bakit isusubo ako, at isusubo n’yo ang Speaker ninyo na pipirma, na iba-violate namin ang Revised Penal Code at saka Constitution. Siguradong may magdedemanda sa amin niyan in the future. Bakit susubo natin doon? Ibig sabihin, I will certify that it’s correct? Why will I sign it if I can’t certify that it’s correct?” paliwanag ni Sotto.