Abante Tonite Interactive

Glorietta 2 sumabog ulit

665

Nagkaroon ng komosyon sa mga mamimili nang makarinig umano ng pagsabog hanggang magtakbuhan palabas ng Glorrietta 2 sa Makati City Linggo nang gabi.

Ayon sa inisyal na ulat mula kay P/Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, nagsimula ang apoy habang nagkukumpuni ng hagdan ang dalawang welder gamit ang acetylene, nang biglang may sumabog umano na sinundan ng sunog na umabot sa unang alarma.

Dahil dito, nadamay umano ang isang shop ng milk tea na hindi pa nabubuksan.

Matapos ang limang minuto ay dineklara nang under control ang apoy at alas-6:31 ng gabi nang tuluyan itong maapula.

Samantala sa social media, kanya-kanyang pahayag ang mga mamimili at nasa loob ng mall sa kanilang naging karanasan.

Ayon kay Gen. Gonzalez, @gengonzalez,” There was a stampede after a fire brokeout at Glorietta 2. People were shouting “may sumabog” and “may sunog” ~ totally scared the shit out of me.”

Maging ang mga guwardiya napatakbo na rin sa gitna ng kaguluhan dulot ng narinig na pagsabog.

Ayon naman kay Wealwamos, @wealwamos, “Same shit that happened before sa Glorietta 2 area! Gas leak and sabog, this time sa Coco store daw.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may naganap na ganitong insidente sa Glorietta 2. Matatandaan na noong Oktubre 19, 2007 ay nagkaroon din ng pagsabog sa nasabing mall dahil diumano sa sumabog na tangke ng LPG. Kumitil ng 11 buhay at ikinasugat ng daang katao ang nangyaring insidente.

Sa pahayag naman ng Glorietta sa Twitter, “On May 19 at around 5:59pm, a minor fire incident occurred at one of the spaces under construction at the perimeter of Glorietta 2.”

Matapos din ang insidente ay nagbalik sa normal ang operasyon ng mall at wala ring naiulat na nasaktan.

“Rest assured that the safety of our shoppers is our utmost concern as we resume normal mall operations. Thank you.” ani pa ng Glorietta. (Armida Rico/Vick Aquino)