Abante Tonite
Mabilis sa Balita

GMCAC-Saavedra deal kalkalin sa korapsyon

0 159

Ni Nancy Carvajal

Hiniling ng isang abogadong nakabase sa Quezon City na kalkalin ng Office of the Ombudsman ang umano’y graft and corrupt practices ng mga Pilipinong opisyal na nagpapatakbo sa Mactan Cebu International Airport Authority (MCIAA) gayundin ang paglabag sa Anti-Dummy Law ng mga executive ng Indian company GMR.

Nabatid na Setyembre 7, 2020 nang matanggap umano ng Ombudsman ang reklamong inihain ni Atty. Larry Iguidez na may office address sa Timog, Quezon City, kung saan hinihiling nitong putulin ng anti-graft office ang aniya’y “brazen violation of the nationality requirements of the Philippine Constitution”.

Kamakailan lang ay sinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Fraud Division sa Department of Justice (DOJ) ang rekomenasyon ng ahensya para usugin ang 14 Pinoy at mga foreign official ng GMR Megawide Cebu Airport Corporation (GMCAC) dahil sa umano’y paglabag sa Commonwealth Act No. 108 o Anti-Dummy Law.

Ang MCIAA ay isang government-owned and controlled corporation (GOCC) sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) na ang mandato ay epektibong patakbuhin at pangasiwaan ang paliparan base sa Republic Act No. 6958 o Charter of the Mactan-Cebu International Airport Authority.

Sa kanyang reklamo, inakusahan ni Iguidez si MCIAA general manager at executive officer Steve Dicdican na sinuko sa mga foreign executive ang operasyon ng Visayas airport.

“This complaint is about MCIA –openly, flagrantly, comprehensively run, administered, managed and operated on a daily basis since 2014 not by Filipinos, but by a crew of one Ghannian and many Indian nationals. All done in full view, and with the daily approval and cooperation of Steve Dicdican,” bahagi ng kanyang reklamo.

“And all done fully according to the illicit plan hatched and carried out by Filipino stockholders and directors of GMCAC; obtain a public utility franchise with the clear intent, from the very beginning, of ceding all operational control and management thereof to non- Filipinos assigned by their Indian airport operator-partner,” ayon pa sa reklamo.

Tinukoy na mga respondent sa reklamo ang mga GMR-Megawide Filipino officials; Edgar Saavedra, Steve Dicdican, Manuel Louie Ferrer, at mga executive na sina Oliver Tan at Jez Dela Cruz.

Kasama rin sa mga respondent ang mga foreign ranking GMCAC officials na kinilalang sina Srinivas Bommidala, GMCAC chairman; P. Sripathy, GMCAC director; Vivek Singhai; Andrew Acquaah-Harrison; Ravi Bratnagar; Ravishankar Saravu; Surdashan MD; Kumar Gauray; Magesh Nambiar; Rajesh Nambiar; at COO Michael Lenane.

Samantala, sa isang pahayag na ipinadala sa mga reporter kahapon kasunod ng NBI report, inihayag ng GMCAC na walang basehan ang mga alegasyon laban sa kanila at nakahanda silang harapin ito sa tamang lugar.

“We will answer them in the proper fora and we will respond to such attempts to malign our reputation with full and credible legal action,” ayon pa sa pahayag.

Binanggit pa sa pahayag na bilang isang “widely-held, publicly listed” na mga kompanya, ang Megawide at GMR ay mahigpit na sumusunod sa mga batas, panuntunan, at mga regulasyon.

Sinabi pa na binibira umano ang MCIA, na siyang tanging multi-awarded airport sa Pilipinas dahil sa first-world service nito, para sirain ang reputasyon at kredibilidad nito.

“These bitter efforts are attempting to further deny the Duterte Administration and the Filipino people a significant step towards national economic recovery,” ayon sa pahayag ng MCIA.

Pinapahalagahan umano ng Megawide at GMR ang tiwalang binibigay sa kanila ng mga Pinoy at ang mga ganitong malisyosong aksyon ay isang “disservice” sa libu-libong Pinoy na nag-ambag para maging matagumpay ang MCIA hindi lamang para sa bansa kundi para rin sa lahat ng stakeholder nito.

“These desperate schemes will not, and should not, prosper. Attempting to bring down capable and qualified local players for their own vested interests at a time of crisis is anti-progress and anti-Filipino,” ayon pa sa pahayag.

Leave A Reply

Your email address will not be published.