Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Go: Face-to-face klase `wag ipilit wala pang bakuna

0 324

Muling iginiit ni Senador Bong Go na huwag payagan ang face-to-face classes hangga’t walang pang gamot para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19)..

“Let me reiterate po: No vaccine, no face-to-face as much as possible. Importante makapag-aral pa rin ang mga bata sa paraan na hindi sila mapipilitang ma-expose sa sakit,” pahayag ni Go, chairman ng Senate committee on health.

Sa halip, hinikayat nito ang Department of Education (DepEd) na ituloy ang ibang paraan ng pagsasagawa ng klase na sumusunod sa health at safety protocol, kagaya ng social distancing.

“Ayaw kong mapunta sa bata ang burden. Ayaw ko ma-pressure ang estudyante na pumasok sa eskuwela tapos may banta naman sa kanilang kalusugan,” ani Go.

“Kaya binigyan ang DepEd ng option to recommend na ipagpaliban muna ang opening upang masiguro nila na maipapagpatuloy ang edukasyon sa paraan na ligtas,” sambit pa nito.

Hinikayat din nito ang kagawaran na gabayan ang mga mag-aaral dahil nag-a-adjust sila sa bagong pamamaraan ng pag-aaral ngayong may pandemya.

“Marami pong mga estudyante ang walang laptop o internet access. Maraming estudyante na mahihirap. Paano naman po sila? Siguruhin natin na lahat ng mga estudyante natin ay mabibigyan ng pantay na oportunidad sa ilalim ng learning continuity plan,” sabi ng senador.

Nakapahirap aniyang mag-adjust sa bagong paraan ng pag-aaral kasabay ng banta sa kalusugan na maaaring makaapekto sa mental at emotional na kondisyon ng mga bata.

“Basta matuto ang lahat ng estudyante pero sana walang bagsak dahil mahihirapan pa po ang estudyante na mag-adjust sa makabago at iba’t ibang paraan ng pag-aaral,” ani Go.

“Health pa rin ang important. Sa kagustuhan nating makapag-aral ang mga bata, inuuna pa rin natin palagi ang interes, kapakanan at buhay ng bawat Pilipino,” lahad pa nito. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.