Abante Tonite Interactive

Go, Nieto, Cignal mananalasa sa D-League

254

Mga laro ngayon: (Paco Arena)
2:00 pm – Cignal-Ateneo vs Family Mart-Enderun
4:00 pm – ­Chadao-FEU vs Valencia Bukidnon-SSCR

Kakapitan ng Cignal-Ateneo ang liderato ng 9th PBA D-League elims sa pagsagupa sa debutanteng Family Mart-Enderun ngayong hapon sa Paco Arena sa Manila.

Agad nagpakitang gilas ang Blue Eagles (1-0) sa unang laro sa torneo nakaraang Pebrero 14 nang dagitin ang Go for Gold-CSB, 103-75, upang sikwatin ang pamumuno sa Aspirants Group.

Ikinagulat ni Tab Baldwin ang panalo kung saan isinasagawa pa lang nito ang pagpapalakas sa koponan sa nakalipas na offseason.

“We’ve for some guys in our roster that we’re reconstructing their shots. We’re not doing a lot, really, but the guys played very efficiently for us and that’s one thing I really liked,” sabi ng dating national team coach.

Nagpamalas agad sina Isaac Go, Matt Nieto, Adrian Wong at mula Ivory Coast na si Ange Kouame para sa koponan kahit na hindi nakasama ng Cignal-Ateneo ang serbisyo ni Thirdy Ra­vena na mapabilang na swingman sa Team Pilipinas.

Hangad naman ng Family Mart-Enderun (0-0) na ipakita na kabilang ito sa malala­king liga kung saan sasandigan ni coach Pipo Noundou sina Mark Nunez, Valandre Chauca at Cameroonian slotman Colince Wabo.

Unang magsasagupa sa alas-2 ng hapon ang Cignal-Ateneo at Fa­mily Mart-Enderun bago sundan ng salpukan sa Foundation Group ng Chadao-FEU (1-0) at Valencia City Bukidnon-SSCR (1-0) sa alas-4 ng hapon.