Abante Tonite Interactive

Go sa DOJ: Siguraduhing may mapaparusahan sa WellMed

331

Hinikayat ni Senador Bong Go ang Department of Justice (DOJ) na palakasin ang kaso laban sa may-ari at mga opis­yal ng WellMed Dialysis and Laboratory Center na sangkot sa diumano’y mga fraudulent claim sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

“Dapat managot ang dapat managot sa kaso ng WellMed, I urge the DOJ to refile the case to the appropriate court at palakasin pa ang kaso para siguradong may mapaparusahan,” pahayag ni Go, chairman ng Senate Committee on Health, nang humarap sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee hinggil sa mga katiwalian sa PhilHealth.

Matatandaang ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court ang kasong kriminal na isinampa laban sa may-ari at mga opisyal ng WellMed dahil sa kawalan ng hurisdiksyon nito bunsod ng paghahain ng reklamo sa maling korte.

Ayon kay Go, matagal nang isyu ang fraudulent claim sa PhilHealth subalit hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ito.

“Tuwing mayroong anomalya o kontrobersya puro rason, puro palusot ang naririnig natin. Ang gustong marinig ng taong ba­yan, solusyon naman,” ani Go.

Sabi ng senador, sa susunod na taon ang unang taon ng pagpapatupad ng Universal Health Care Law kaya’t kailangan malinis na ang PhilHealth bago pa man masimulan ang naturang batas. (Dindo Matining)