Abante Tonite Interactive

Goma hinamon ang SBP-Gilas na maglaro sa Asiad mga duwag!

By
2,937

May pagkakataon pa ang Gilas Pilipinas o ang pinalakas na Rain or Shine para lumahok sa 18th Asian Games sa Indonesia.

Ayon kay chef de mission Richard Gomez, hindi pa pinal ang pag-atras ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa 2018 Asiad na sisipa Agosto 18- Setyembre 2.

Mayroon pa umanong 12 araw ang SBP upang umiwas sa mabigat na parusa kung tuluyang aatras sa sporting event.

“Wala pang official withdrawal from the Philippine delegation, dito pa lang sa atin sa Pilipinas ang announcement na hindi na tayo sasali,” paliwanag kahapon ni 2018 Asian Games Team Pilipinas chef de mission Richard Gomez sa weekly Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa PSC Athlete’s Lounge sa Vito Cruz, Manila.

Ipinaliwanag ni Gomez, kasalukuyang pa­ngulo din ng Philippine Fencing Association, na hindi makakadirekta ang SBP sa Indonesia Asian Games Organizing Committee (INASGOC) hinggil sa ‘di pagpapadala ng koponan kundi tanging ang POC at ang inatasan bilang chef de mission.

Ani Gomez, may hanggang Agosto 15 ang bansa para magdesisyon kung ipapadala ang koponan na nasangkot sa kaguluhan sa FIBA World Cup qualifying o ang nagmagandang loob na Rain or Shine.

“I’m hoping that SBP president Al Panlilio will change their minds,” sabi ni Gomez. “I am really hoping to send a team because number one sports sa ating bansa ang basketball and yet wala tayong representation. Remember, pag-upo ko walang basketball sa list so pinakiusapan ko sila na sana makapagpadala.”

“One week before the opening of the Asiad to confirm our non-participation,” sabi ni Gomez. “But definitely, bibigyan tayo ng sanction of which I don’t know ang gravity. I believe the remaining days are our time for the officials to ponder the call of our basketball loving communities,” dagdag ni Gomez.

Ipinaliwanag pa ni Gomez na maaari pang bubuuin muli ang nasuspende na Gilas Pilipinas dahil hindi apektado kasama ang Asiad sa ipinataw na suspension sa mga ito kaugnay ng basketbrawl ng Gilas Pi­lipinas at Aussie Boomers noong Hulyo 2.

“It is an unspoken commitment to the Filipinos,” sabi ni Gomez. “If you’re gunning for the World Cup, then why not win first the Asian Games muna. We last won a gold medal in the Asian Games in 1962 pa. Why not try for that as a motivation to the team to lift our morale kahit medyo napahiya tayo previously sa isang tournament.”