Abante Tonite Interactive

Gondola bumagsak sa jeep, 4 pasahero sugatan

2,018

Nagsasagawa nga­yon ng masusing imbes­tigasyon ang Makati City police sa insidenteng nangyari kahapon ng umaga sa condominium building ng Shang Salcedo Place sa panulukan ng Sen. Gil Puyat Avenue at Tordesillas Street kung saan nahulog mula sa ika-68 na palapag nito ang isang gondola at bumagsak sa isang pampasaherong jeep.

Kabilang sa mga nagtamo ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan at isinugod sa Makati Medical Center ang gondola operator na si Antonio Arcilla y Malaguino, 47-anyos, at ang tatlong pasahero ng jeep na nakilalang sina Aljon Gorgonio y Po­langco, 25-anyos; Rochel Balauag y Arceo, 31-an­yos; at Florito Torrevillas y Cabato, 47-anyos.

Base sa imbestigasyon ni SPO2 Nilo Sadsad, dakong alas-9:20 ng umaga nang bigla na lamang nahulog ang makina ng gondola na sinasakyan ni Arcilla at tuloy-tuloy na bumagsak at lumusot sa bubong ng jeep na nakahinto dahil naka-red signal ang traffic light.

Nadamay din sa pinsala ang dalawang sports utility vehicle at isang taxi.

Ayon sa taxi driver na si Cesar Ranes, nakahinto ang kanyang sasakyan nang mabagsakan ng bakal sa likuran nito.
Sinabi naman ni SPO2 Sadsad na tini-testing ang pag-andar ng gondola sa ika-68 palapag nang bumigay ang dalawang makina nito hanggang sa nahulog.

Ang nasabing gondola ay sinasakyan ng tao kapag may gagawin o maglilinis ng bintana mula sa labas ng condominium building. ­