Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Google trends pupusta kay VP Leni sa Mayo

0 115

Matapang ang ginawang pagtaya ng Google Trends na si Vice-President Leni Robredo ang mananalong presidente sa darating na halalan sa Mayo a-nuwebe.

Kaiba kasi ito sa inilalabas na resulta ng survey ng mayorya ng local survey firms sa bansa pabor sa mahigpit na kalaban ni VP Leni.

Ang Google Trends ay isang website na nagsusuri ng mga sikat na search queries sa Google Search sa iba’t ibang rehiyon. Gumagamit ito ng graphs para ikumpara ang dami ng searches sa loob ng ilang oras. Malayo ito sa local survey firms na kino-komisyon ng mga pulitiko para sa kanilang personal na interes.

Ngayong darating na eleksyon, sinasabi ng Google Trends na si Leni Robredo ang inaasahang mananalo sa halalan ng pagkapangulo at close fight din ang magiging laban ni Sen. Kiko Pangilinan sa pagkabise presidente.

Ayon sa datos na nalikom ng Google Trends, si Robredo ay nakapagtala ng 54% kung ikukumpara sa 22% ni Bongbong Marcos. Statistically tied na din Sara Duterte at Kiko Pangilinan sa pagka-Bise Presidente.

Hindi ito ang unang pagkakataon na naglabas ng pagtaya ang Google Trends sa Pilipinas, dahil naka-bullseye din ito noon sa paghula ng pagkapanalo nina dating Pangulong Benigno Aquino III at President Rodrigo Duterte.

Ayon sa lokal at internasyonal na mga eksperto, ang Google Trends ay may pinaka-accurate na kakayahan upang mahulaan ang resulta ng magiging eleksyon kung ikukumpara sa mga survey firms gaya ng Pulse Asia Survey, Publicus, at Laylo Research.

Napatunayan na ito matapos mahulaan ng Google Trends ang pagkapanalo ni Emmanuel Macron kay Marine Le Pen sa nakalipas na eleksyon sa France.

SM food to go Banner Ad

Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya sa pagkolekta ng datos, tinaya ng Google Trends na makakakuha si Macron ng 57.0% na boto samantalang si Le Pen ay makakakuha lamang ng 43.0% na boto na napagwagihan nga ni Macron.

Marami ng mga pampanguluhang halalan sa ibang mga bansa ang tumama sa pagtaya ng Google Trends kaya hindi masasabing tsamba -tsamba lang gaya ng pagkakapanalo ni George W. Bush, Obama at Joe Biden sa halalan sa Amerika, gayondin sa Brazil, Spain, at Canada noong 2019 na kung saan ang kandidatong nahulaan ng Google Trends ang siyang nanalo sa eleksyon.

Magkaiba ang pamamaraan ng pagkuha ng datos ng Google Trends at local na survey. Ang mga pakaraniwang surveys na alam natin ay bumabase lamang sa preference o gusto ng tao sa isang particular na panahon samantalang ang Google Trends naman ay sumusukat sa behavior at galaw kung sino ang posibleng iboto ng tao.

Kaya hindi kataka-taka na makita ang mga hindi mahulugang karayom na political rallies ni Robredo kahit saan man siya magpunta. Noong nakaraang Sabado lamang, tinatayang mahigit 400,000 ang dumalo sa people’s rally ni Robredo at Pangilinan sa Pasay City. Sinasabing nahigitan nito ang record na 300,000 na katao sa miting de avance ni Pangulong Duterte.

Kahit ang mga mahigpit na katunggali ni Robredo ay alam na si Leni ang tunay na nangunguna kaya hiniling ng tatlong kalaban nito sa isang press conference na umatras na lamang sa eleksyon.

Palaisipan pa rin sa maraming tao kung bakit binibira ng tatlong kulelat sa survey si Robredo gayong pumapangalawa lamang siya kay Marcos. Nakapagtataka din na pilit na pinapalutang ng kampo ni Marcos ang posibilidad na dayaan sa darating na halalan kahit na dalawang dipa ang lamang niya sa bise presidente.

Ika nga ng kasabihan “ang punong hitik sa bunga ang laging pinupukol.” Kung ang mga tumitinding birada ang gagamiting indikasyon, marahil tama nga si Google Trends sa pagpusta na si Robredo ang nangunguna at mananalong kandidato sa pagkapangulo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.