Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gordon hearing tablado sa mga gabinete

0 77

Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang memorandum na nagbabawal sa mga opisyal ng ehekutibo na dumalo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Dick Gordon.

Sa kanyang Talk to the People, nilagdaan ng Pangulo ang memorandum na layuning iiwas ang mga miyembro ng kanyang gabinete sa aniya’y pambabastos ng senador at panghihiya sa mga ipinapatawag pagdinig sa Senado.

“I have issued this memorandum because we cannot allow blatant disrespect of resource persons at the ongoing hearings of the Senate Blue Ribbon Committee,” sabi ng Pangulo.

Hindi aniya dapat makompromiso ang ginagawang pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemya dahil lamang sa pagpapatawag sa mga miyembro ng gabinete subalit pinaghihintay ng mahabang oras at hindi naman isasalang sa imbestigasyon.

Hindi katanggap-tanggap sa Pangulo ang pahayag ni Gordon na magtutuloy-tuloy umano ang imbestigasyon ng kanyang komite “til kingdom come” dahil hindi naman aniya ito Diyos.

Nilinaw ni Pangulong Duterte na hindi niya pinipigilan ang imbestigasyon sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

“Hindi ko pinipigilan ang investigation ng Pharmally. No, far from it. But during the investigation of Pharmally, maski wala na ang — wala nang kasilbi-silbi ‘yung mga tao ko nandoon, pinapatawag ninyo, at the last time, I saw — I think it was Secretary Duque, and he stayed there. When you started the investigation for the day and until you ended it, you did not even call Duque. He has so many problems to attend to, so with Secretary Galvez,” ayon kay Pangulong Duterte.(Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.