Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gordon pinakakulelat sa sesyon

0 182

Walong senador ang nakapagtala ng perfect attendance sa unang regular na sesyon ng 18th Congress.

Ang mga walang absent ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sens. Win Gatchalian, Nancy Binay, Ronald dela Rosa, Risa Hontiveros, at Joel Villanueva.

Sina Sotto at Zubiri na ang tanging senador na dumating sa takdang oras o bago tumawag ng roll call sa lahat ng sesyon.

Ang mga senador namang nakapagtala na maraming late o nahuli bago tumawag ng roll cal ay Senador Richard Gordon (31), Ralph Recto (29), Aquilino “Koko” Pimentel (20) at Grace Poe (14).

Pinakamaraming naitalang official mission, lokal at abroad, naman si Senador Manuel “Lito” Lapid (8), Senador Ramon Bong Revilla Jr. (3) at Senador Francis Pangilinan (3).

Tulad ng dati, ang pinakamaraming absent ay si Senador Leila de Lima (67) na kasalukuyang nakakalulong sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.

Si Pangilinan at Pimentel na nakapagtala din ng tig-4 na absent sa Senado habang tatlo naman kay Senadora Pia Cayetano.

Si Senador Sonny Angara ay tumugon sa roll call ng 57 sesyon at may isang official mission.

Si Senator Bong Go ay tumugon sa roll call ng 62 at na-late ng apat na beses.

Si Gordon ay nag-excuse ng tatlong beses dahil sa sakit.

Si Senador Imee Marcos ay 58 beses na tumugon sa roll call, na-late ng walong beses at isang absent.

Si Senador Manny Pacquiao ay sumagot sa roll call sa 57 sesyon, na-late ng limang beses, may isang official mission, dalawang absent at dalawang excuse dahil sa sakit.

Si Senador Francis Tolentino ay tumugon sa roll call ng 62 beses, na-late ng apat na beses at isang absent.

Si Senator Cynthia Villar ay may dalawang absent, limang beses late at tumugon sa roll call sa 60 sesyon.

Samantala, na-miss ni Lacson ang dapat sana’y apat na magkasunod na perfect attendance matapos siyang mag-absent para dumalo sa burol ng kanyang kapatid.

“I didn’t make the list this time. I had to attend my brother’s 3 p.m. funeral on a session day. Next time, I swear I won’t attend my own funeral to maintain my perfect attendance,” sagot ni Lacson sa tweet ni Gatchalian hinggil sa perfect attendance citation sa Senado.

May 67 plenary session sa first regular session ng Senado mula Hulyo 22, 2019 hanggang Hunyo 4, 2020. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.