Abante Tonite Interactive

Grab dapat tutukan ng LTFRB

0 177

Malaki-laki rin ang isusukang halaga ng Grab bilang kabayaran sa mga nadiskubreng paglabag ng Philippine Competition Commission (PCC) partikular dahil sa overchar­ging sa mga pasahero.

Dahil dito, may ilang driver ang nangangambang baka sinisimulan nang ikarga sa kanila ang sinisingil na milyon-mil­yong multa dahil biglang nabawasan ang dati ay malaki-laki na nilang kinikita.

Ang alegasyong ito ng ilang partner-driver ng Grab ay dapat malinawan lalo’t dati nang nagbabala ang PCC na huwag ipasalo sa mga driver ang kanilang mga obligasyon dahil sa ginawang kapalpakan.

***

Goosebumps, ama­zing, world class!

Ilan lamang ito sa napakaraming positibong mga kataga na ginawang paglalarawan sa opening ng kontrobersyal na Southeast Asian Games na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Pilipinas

Ang tanong natin — kumusta naman kaya ang reaksiyon ng ilang kababayan natin at mismong mga opisyal ng gobyerno na puro negatibo ang ibinato sa pamamalakad natin sa SEA Games?

Hindi kaya sila napanganga sa napakagandang opening ng SEA Games kung saan ay kapwa nila mga Pinoy ang nangasiwa, kaya dapat ay yakapin din nila ang tagumpay nito.

Imagine naman hindi lang sa Pilipinas ito pinag-uusapan kundi sa buong mundo, kaya kung tunay kang nagmamahal sa iyong bayan dapat ay maging proud ka.

Kaya nga hindi ko maintindihan si Presidential Spokesman Salvador Panelo nang magbitiw ng salitang kontra sa SEA Games bago pa man ang opening.
Ayon kay Panelo, may punto raw ang mga buma­batikos sa paghahanda sa SEA Games at meron nga raw mali sa mga preparasyon.

Sinabi pa ni Panelo na mag-iimbestiga raw ang Malacañang at wala raw lulusot kung may makitang iregularidad, kahit pa mga kaalyado ni Pangulong Duterte.

Ang sa ganang atin, bilang tagapagsalita ng Pangulo, mas mabuti sana kung naging mas maingat ito sa pagpapalabas ng mga pahayag tungkol sa SEA Games nang hindi na siya nakadagdag pa sa pagbibigay lamat sa pagho-host ng bansa ng palarong ito.