Abante Tonite Interactive

Grabeng Grab

By
315

Hindi pa man lubusang pinahihintulutan nabunyag na ang kinatatakutang pag-abuso ng Grab Transport. Ang umano’y ‘overcharging’ sa mga pasahero.

Nakarating sa Kamara ang reklamo na bilyong piso ang kinita ng Grab mula sa mga walang kamalay-malay na ‘ri­ding public.’

Kung ang mga pampublikong sasakyan tulad ng bus, dyipni at mga regular na taxi ay nagsusumite muna ng petisyon sa LTFRB para makapagtaas ng singil sa pasahe, ang Grab ‘ora mismo’ sa gusto nito ay basta na lamang naniningil na hindi alam ng publiko.

Ngayong kinain na nito ang katunggaling Uber, malaya ng magagawa ng Grab ang gustong gawin para makopo ang operasyon ng TNVS sa bansa.

Palibahasa kapit sa patalim ang isang pasahero na kailangan makasakay kaagad, sinasamantala naman ito ng Grab sa pamamagitan ng pagpapataw ng karagdagang singil lalo na kung ‘rush hour.’

May tawag dito ang mga Amerikano, ‘highway robbery.’

****

Pagsasamantala ito sa pinakamataas na antas, kung kailan kailangang makasakay ng pasahero at saka naman mananagpang ang Grab.

Hindi dapat makontrol ng Grab ang operasyon ng TNVS sa bansa resulta ng ‘pagtake-over’ nito sa Uber.

Napapanahon lamang ang pagpasok ng Phili­ppine Competition Co­mmission para pigilan ang pagsasanib ng Grab at Uber.

Hindi pa man lubusang nakuha ng ‘go signal’ sa gobyerno, nagpakita na ng pag-abuso ang Grab.

Maliban sa ‘overchar­ging’ nag-viral din sa ‘social media’ ang insidente ng pananamantala sa isang pasahero ng isang Grab driver. Dahil hindi nagkasundo sa presyo, pinayuhan ang pasahero na mag-traysikel na lamang.

Kung may ‘choice’ lamang ang mga pasahero, hindi na sasakay ang mga ito sa Grab o Uber. Bukod sa mahal at sobrang maningil ng pasahe, may mga barubal at maniac pang driver ang mga ito.

****

Nasaaan na kaya ang mga ‘cause oriented group’ na agad naninindigan sa usapin ng mga ‘commuter’ o mga pasahero?

Kaya ba tahimik nga­yon dahil nakapwesto na ang mga ito sa gobyerno?