Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Grace, Isko pantapat sa bet ni Digong

0 294

Nagsalita na si Vice President Leni Robredo, ipu-push niya na magkaroon ng solid opposition sa 2022 presidential elections upang ipantapat sa bet ni Pangulong Rodrigo Duterte pero hindi pa rin niya isinasantabi na baka tumakbo na lamang siya sa local position.

Sa kanyang pahayag, lalong lumalaki ang posibilidad na tatakbo na lamang siyang governor ng Camarines Sur upang ipaubaya sa ibang kandidato ang karapatan na labanan ang magiging kandidato ni Pangulong Duterte.

Sa kanyang pagpaparaya, makakatulong ito para maging solido ang hanay ng oposisyon. Lilinawin natin, hindi lang ang 1Sambayan ang tinutukoy kong oposisyon dahil bahagi lamang ito ng isang nagkakaisang grupo ng oposisyon na kinabibilangan ng simpleng mamamayan na sawang-sawa na sa estilo ng pamamalakad ng kasalukuyang administrasyon.

Kapag nabuo ang solid opposition para sa 2022 presidential elections, mabibigo si Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang mga alipores na maipagpatuloy ang impluwensiya o kontrol sa gobyerno.

Sabi dati ng mga political strategist, ‘the more, the merrier.’ Magkakatotoo ito kung maraming kandidato sa pagka-presidente ang oposisyon at iisa lamang sa administrasyon. Sa ganitong senaryo, talo ang oposisyon kung sila ay watak-watak at vice-versa kung sabog naman ang administrasyon.

Kaya naman ang pagkakaisa ng oposisyon ang nalalabing solusyon kung nais nilang sipain at tapusin ang paghahari ni Digong at hindi na muling makapaghalal ng kaalyadong kandidato bilang pangulo.

Dapat din na magkaisa ang mga kontra sa administrasyon. Para mangyari ito, kailangan nilang isakripisyo ang pansariling interes at magparaya sa mas karapat-dapat na maging kandidato ng grupo para makamit ang mithiin na solid opposition.

Base na rin sa mga inisyal na pulso ng taumbayan, sina Manila Mayor Isko Moreno at Senator Grace Poe lamang ang lumalabas na maaaring piliin ng oposisyon na maging kandidato para mapabagsak ang presidential bet ni Digong.

Kahit malayo pa ang Oktubre para sa paghahain ng Certificate of Candidacy, kailangang plantsahin agad ng oposisyon ang kanilang plano at kung magkakaisa ay kaagad na ihayag kung sino kina Isko at Grace ang magiging presidential candidate sa 2022 na ibabangga sa mamanukin ni Digong.

Halata naman ang ginagawang paghahanda ng administrasyon sa 2022 elections. Kabilang na dito ang ‘pagmasahe’ ng impormasyon sa mga tinamaan ng COVID-19 upang mapalabas na tagumpay ang kanilang giyera.

Pero magiging pambala pa rin ito ng oposisyon laban sa kandidato ng administrasyon. Bukod sa paghawak ng gobyerno sa problema ng pandemya, nariyan din ang isyu ng West Philippine Sea, ang hindi matapos-tapos na korapsyon sa gobyerno, problema sa droga at mataas na unemployment.

Makakatulong din sa oposisyon ang nangyayaring gulo sa loob ng administration party lalu na ang upakan nina Senador Manny Pacquiao at Energy Secretary Alfonso Cusi. Nagsisikuhan din ang ibang kaalyado ng administrasyon na nag-aambisyong maging pangulo ng Pilipinas.

Dapat samantalahin ng oposisyon ang kaguluhan sa loob ng administrasyon para makabuo ng team na tatalo sa manok ni Digong.

Leave A Reply

Your email address will not be published.