Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Grace may puso sa mga PWD

0 118

May alam akong congressman na madalas magpagawa ng footbridge na may manlift pero kapag natapos ang proyekto ay kinakandado lang ito. Sayang lang ang pinagawang manlift dahil hindi naman ito napakinabangan ng mga senior citizen at person with disabilities (PWD) sa kanilang pagtawid sa kalsada.

Nakalulungkot na kakarampot na nga lang ang pondo para sa disability friendly infrastructure, may mga proyekto pang hindi lubos na napapakinabangan ng mga PWD. Huwag na sanang bigyan ng proyekto ang congressman na ito, aba’y sinasayang lang niya kasi ang pondo ng bayan.

Dapat ay ang gobyerno na lang ang mangasiwa sa mga proyektong ito. Pero ang masaklap, mukhang pinilayan ng Department of Budget and Management ang pondo sa pagpapagawa ng mga imprastraktura na pakikinabangan ng mga PWD.

Kinuwestiyon tuloy ni Senadora Grace Poe kung bakit P560 milyon lang ang inilaan sa disability-friendly facilities sa ilalim ng panukalang budget para sa taong 2021. Tumataginting na P1.107 trilyon ang pinanukala para sa capital outlay sa ilalim ng National Expenditure Program for 2021 kayat lumalabas na 0.05 percent lang ng kabuuang infrastructure budget ang nakalaan sa mga proyektong pakikinabangan ng mga PWD.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Halos 1.4 milyon ang mga PWD sa Pilipinas pero tingin ni Poe, halos walang laman ang salop para sa kanila. Kapag binibigkas ng senadora ang ganitong linya, tumatayo tuloy ang balahibo ko. Ganito kasi ipinaglaban ng yumaong Fernando Poe Jr. sa kanyang pelikula ang mga naaapi.

Napansin din ni Senadora Grace na mismong sa mga gusali ng gobyerno, matumal ang pagsunod sa batas tungkol sa accessibility para sa PWDs. Sagana lang daw sa drawing ang gobyerno tulad ng paglalagay ng maraming sticker sa reserbang upuan ng mga may kapansanan, pero kulang naman sa compliance. Ngayon pa naman kailangan ng mga may kapansanan ang tulong ng gobyerno dahil sa namamayaning COVID pandemic.

Inungkat din ni Poe ang Republic Act No. 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons na nag-uutos sa national at local government na maglaan ng pondo para sa pagpapagawa ng istruktura sa mga gusali at pasilidad ng gobyerno na pakikinabangan ng mga PWD.

Saludo ako sa pagpapahalaga ng senadora sa mga PWD. Sana, ganito rin ang kaisipan ng ibang politiko at mga tao sa gobyerno.

Leave A Reply

Your email address will not be published.