Abante Tonite Interactive

Grace Poe bilib sa sakripisyo ng mga Pinoy

300

Pinuri ni Sen. Grace Poe ang pang-araw-araw na kabayanihan ng lahat ng Pilipino kaugnay ng pagdiriwang ng ‘Araw ng Kagitingan’ kahapon sa pangangampanya sa lalawigan ng Rizal.

Kasama ang kanyang anak na si Brian Poe Llamanzares, re-electionist Cainta Mayor Kit Nieto at running mate nitong si Ace Sevillon, pumarada sila Poe sa bayan na tumanyag sa paglaban sa okupasyon ng mga dayuhan.

“Sa ating mga ka­babayan na nagsasakri­pisyo, hindi lang para sa pamilya kundi para sa bayan — iyong mga nagsisilbi, iyong ating sundalo, pulisya, OFWs, mga empleyado na araw-araw nagsisikap — ito ay para sa inyo, at ako naman po bilang tagapaglingkod ninyo nais ko tala­gang bigyan ng pagkilala ang inyong sakripisyo,” sabi ni Poe sa panayam ng mga reporter matapos ang motorcade sa pali­gid ng Cainta.

Sa Marick Subdivision, nilapitan ni Poe ang isang grupo ng lalaki at babae na naka-wheelchair at nagpakuha ng litrato.

Nangampanya na si Poe sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao pero iginiit ng senadora na gustong-gusto niyang nakakausap ang mga tao para mabatid ang kanilang karai­ngan at opinyon sa pamumuhay.

“Masaya na nakakapagod pero talagang kailangan kayod talaga kasi siyempre napakalaki ng Pilipinas para abutin mo lahat ‘yan at mara­ming kandidato na lahat nagsisipag,” sabi ni Poe sabay pag-amin na ma­laki ang nagawa ng kanyang amang si Fernando Poe Jr. sa magaan na pangangampanya. ­(Lorraine Gamo)