Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Grace Poe may hugot sa death anniversary ni FPJ

0 289

Maraming binago sa ating pamumuhay ang COVID-19 pandemic. Ramdam ito ng bawat mamamayan, ordinaryong tao man o may mahalagang puwesto sa ating gobyerno.

Napansin ito ni Senadora Grace Poe nang bumisita sa puntod ng kanyang amang si Fernando Poe Jr., sa Manila North Cemetery nitong Lunes, Disyembre 14. Sabi niya: “Sa aking pagbisita sa puntod ni papa ngayong ika-16 anibersaryo ng kanyang pagpanaw, dama ko ang pagkakaiba ng mga panahon ngayon.”

Nakakapanibago kasi. Dati-rati, kapag ginugunita ang araw ng kamatayan ni Da King, dinudumog ng kanyang mga supporter ang puntod nito. Pero dahil sa pandemic kung saan pinagbabawal ang mass gathering, ito ang unang pagkakataon na hindi nakadalaw ang mga tagahanga ng tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino.

“Hindi man tayo nakapagmisa kasama ang pamilya, mga kaibigan at tagahanga katulad ng mga nakaraang labing limang taon na tayo’y nagtitipon sa araw na ito, alam kong nasa puso at alaala siya ng bawat isa,” saad ni Senador Poe.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Totoo ang sinabi ng senadora dahil sa social media ginunita ng mga netizen ang death anniversary ni Da King. Sabi ng isang netizen : “Habang buhay kang nasa puso namin FPJ. Maraming Salamat sa iyong kabutihan my idol, my hero.”

Sa mga pelikula, karaniwang ginagampanan ni FPJ ang papel bilang tagapagtanggol ng mga naaapi. Sa totoong buhay, tahimik naman itong tumutulong sa mga kapuspalad kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin namamatay sa puso ng mga maralita ang kanyang kabutihan.

May mga netizen pa na nagsabi na kung hindi nadaya si FPJ noong 2004 presidential elections, baka ito pa ang naging “Best President” ng Pilipinas. Nakow! Baka umaray si Pangulong Rodrigo Duterte sa ganitong obserbasyon.

Hindi naman nawawalan ng pag-asa ang mga supporter ni Da King dahil nandiyan naman ang kanyang anak na si Senador Poe na siyang magpapatuloy sa adbokasya ni FPJ. Sabi pa ng isang netizen : “Buhay na buhay pa rin ang alaala mo President Da King. Hindi ka malilimutan ng buong sambayanan. Ang sakit na nadarama mo noong halalan ay hindi namin malilimutan ang pandaraya sayo. Kaya wag kang mag-alala dahil si Senator Grace Poe ang magpapatuloy sa iyong laban.”

Iba talaga kapag nagtanim ka ng kabutihan. Kahit ilang taon o dekada pa ang lumipas, hindi ito nabubura sa alaala ng nakararami.

Leave A Reply

Your email address will not be published.