Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Grace, Sara, Leni pukpukan sa puwesto ni Digong

0 480

Kung hindi magbabago ang ihip ng hangin, posibleng mga kababaihan ang maglalabanan sa puwestong babakantihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Tinutukoy ko sina Vice President Leni Robredo, Davao City Mayor Sara Duterte at Senadora Grace Poe. Kung hindi ako nagkakamali, ngayon lang posibleng magkatapat ang tatlong babaeng kakandidato sa pagka-pangulo ng bansa.

Sa tatlo, masasabing nakalalamang nang kaunti ang anak ni Pangulong Duterte na si Mayor Sara. Siyempre, nasa kanya kasi ang malawak na makinarya at organisasyon. Pero sa dalawang nakalipas na presidential elections, hindi umubra ang sinasabing makinarya at organisasyon matapos matalo ang manok ng outgoing president noong 2010 at 2016 presidential elections.

Hindi naman matatawaran ang lakas ni Senadora Grace Poe dahil hindi pa rin kumukupas ang werpa at impluwensiya ng kanyang amang si Fernando Poe Jr. na kahit 16 taon nang namayapa ay marami pa ring tagasuporta.

Wala pang napapatunayan si Mayor Sara sa national level maliban sa sasandalang partidong Hugpong ng Pagbabago na nagpanalo ng maraming kandidatong senador noong nakaraang halalan. Si Grace naman, napatunayan na niya ang kanyang lakas sa taumbayan nang sumegunda sa 2019 senatorial race kahit na tumakbong independent.

Sa survey ng Pulse Asia noong Nobyembre 23 hanggang Disyembre 2 ng nakaraang taon, nanguna si Sara sa nakuhang 26 percent samantalang tabla naman sa ikalawa sina Grace at dating Senador Bongbong Marcos sa 14 percent.

Nakabuntot sa kanila si Manila Mayor Isko Moreno na may 12 percent at may 10 percent naman si Senador Manny Pacquiao. Si Vice President Robredo ay may single digit na 8 percent.

Tandaan po natin na survey lang ito at maraming factor na maaring ikabago ng standing pagsapit ng halalan sa Mayo 2022. Isa na dito ang usapin na maraming presidentiables ang konektado sa administrasyon at posibleng makahati sa boto.

Samantala, ang hanay ng Liberal Party (LP) na kahit umimpis ang bilang dahil sa pag-ober da bakod ng mga balimbing na politiko ay inaasahan namang solid kay VP Leni. Oligado ang LP na magpatakbo ng presidential candidate kesa ngumanga sa bakbakan sa 2022.

Maganda ang laban nina Grace at Sara sa darating na halalan. Makinarya ng administrasyon laban sa lakas ng supporters ni FPJ. Magsisilbi rin itong referendum sa anim na taong panunungkulan ni Pangulong Duterte, lalo na kung aprub ang mga botante sa COVID-19 response ng administrasyon.

Kung mananalo naman si Grace, lumalabas lamang na buhay pa ang alaala ni FPJ at hindi pa rin nakalilimot ang mga supporter ng tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino. Magiging alternative choice si Grace dahil hindi siya maka-administrasyon at hindi rin dilawan.

Malaki ang posibilidad na babae na naman ang uupong pangulo ng bansa sa Hunyo 30, 2022, ikatlo sa kasaysayan ng Pilipinas. Kung sino kina Leni, Sara o Grace, goodluck na lang sa kanila.

Leave A Reply

Your email address will not be published.