Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Grace tagapagtanggol ng kababaihan

0 289

Nakatikim ng sermon mula kina Senador Grace Poe at Panfilo Lacson, si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., dahil sa naging babala nito kay Liza Soberano na posibleng sapitin ng aktres ang nangyari sa isang estudyante ng University of the Philippines na namatay sa sagupaan umano ng militar at rebeldeng komunista sa Batangas noong 2017.

Sa hearing ng Senate committee on defense noong Nobyembre 3 ng kasalukuyang taon, inusisa ni Poe si Parlade kung ano ang pumasok sa kukote nito nang balaan si Soberano na posibleng matulad ito sa estudyanteng si Josephine Anne Lapira kung hindi itatakwil ng aktres ang Gabriela Youth.

Kinompronta ng senadora ang heneral kung ano ba ang sinabi ng aktres na naglagay sa kanya sa panganib. Wala naman daw masamang sinabi si Soberano sa forum ng Gabriela, sagot ni Parlade. Ang dapat daw sisihin ay ang netizens na nag-akusang komunista na raw ang aktres.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Hindi naman bumenta kina Poe at Lacson ang palusot ni Parlade, ang spokesman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Imbes kasing linawin ang isyu, ginatungan pa niya ang patutsada ng netizens nang magpost sa kanyang official account at sa NTF-ELCAC Facebook page noong nakaraang buwan.

Wala naman talagang ginawang masama si Soberano. Sa online event ng Gabriela Youth, hinikayat lang niya ang mga kababaihan na huwag manahimik sa mga mahahalagang isyu sa bansa. Hindi ba’t ganito rin ang ipinaglalaban ni vice-president elect Kamala Harris ng Estados Unidos?

Eh kung sa online event kaya ng Duterte Youth party-list nagsalita si Soberano? Tiyak na walang say dito ang militar. Ang sigurado, maba-bash din ang aktres sa pagpatol sa party-list na wala pang napapatunayan sa Kamara kundi ang mag-ala Malabanan.

Mabuti na lamang at mayroon tayong miyembro ng Senado na nagtatanggol sa karapatan ng mga kababaihan sa katauhan ni Sen. Poe. Malay nyo, magkaroon din tayo ng Kamala Harris sa Pilipinas pagdating ng panahon. (END)

Leave A Reply

Your email address will not be published.