Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Graceful exit kay Duque

0 126

Ngayong sinasabing bumababa na raw ang mga nagpopositibo sa COVID-19 kahit nasa libu pa rin bawat araw ang mga nadadagdag na mga kaso, naniniwala ang ilan nating tropapips na ito na ang magandang pagkakataon kay Health Secretary Francisco Duque III na bumitaw sa kaniyang puwesto.

Pero bago ‘yan, may panawagan ang tropapips nating hikahos na sana daw ay magkaroon ng koordinasyon ang mga lokal na pamahalaan sa mga pribadong ospital ngayong pandemic para sa mga mahihirap na pasyenteng hindi na natatanggap sa mga pampublikong ospital dahil puno na.

Kuwento ng ating kurimaw na taga-Maynila, may pasyente silang nakatatanda na napilitan nilang ipa-admit sa isang pribadong ospital dahil nga puno na raw ang dating pampublikong ospital na pinagdadalhan sa pasyente.

Noon daw, maliit lang ang binayaran ng mga kaanak ng matandang pasyente nang maratay ito ng ilang araw sa pampublikong ospital. Pero ngayon, parehong sakit pa rin ang idinaing ng pasyente pero libu-libo ang magiging singil sa kanila sa pribadong ospital.

At dahil sa pandemic na marami sa kanila ang nawalan ng trabaho, malaking problema ngayon kung saan sila kukuha ng pambayad.
Hindi man nila gustong ipasok sa private hospital ang kanilang pasyente, napilitan na rin sila dahil nga sa lagay ng kalusugan ng matanda.

Naniniwala ang ating kurimaw na maaaring may mga katulad niya sa ibang lungsod ang nakararanas din ngayon ng kagaya nilang sitwasyon. Kaya hiling niya, sana ay magkaroon ng paraan ang mga lokal na pamahalaan na matulungan ang mga mahihirap at matandang pasyente na mapipilitang ipa-admit sa private hospital.

Tungkol naman mga tropapips kay Duque, aminado ang kalihim na nagkaroon sila ng pagkukulang at naging mabagal ang pagkilos kaya hindi kaagad naagapan ang pagdami ng COVID-19 cases sa bansa.

Pero tumaas ang kilay ng kurimaw natin na sabik nang makatapak ng white sand kahit man lang sa Manila Bay nang sabihin ni Duque na wala raw mag-aakala na magaganap ang pandemic. Aba’y bilang kalihim nga naman ng DOH, hindi ba dapat lahat ng senaryo ay dapat pinaghandaan.
Kaya hindi hindi natin masisisi ang mga senador kung hilingin ang kaniyang pagbibitiw dahil ang kailangan natin sa DOH ay iyong advance mag-isip at bibo, hindi iyong papatay-patay.

Kung sabagay mga tropapips, hindi ito ang unang pagkakataon na inulan ng batikos si Duque pagdating sa pagkilos sa nakahahawang sakit. Noong 2009 kasi, siya rin ang kalihim ng DOH nang magkaroon ng Influenza A(H1N1) virus.

Isang staff sa Kongreso ang nasawi na may kaugnayan sa naturang virus at hindi raw ito kaagad ipinaalam noon ng DOH sa mga kongresista kaya pinangambahan ang hawahan. At tulad ngayon, nanindigan si Duque na tama ang kaniyang desisyon na huwag basta ibigay ang impormasyon tungkol sa pasyenteng nagpositibo sa virus dahil sa stigma.

Ngunit bukod sa batikos na mabagal ang naging aksiyon ng DOH ni Duque sa COVID-19, ngayon eh inirekomenda pa ng Senado na isama siya sa mga dapat kasuhan tungkol sa alegasyon ng katiwalian sa pondo ng PhilHealth, bagay na itinanggi naman niya.
Bagaman sinasabing nananatili ang tiwala ni President Mayor Digong Duterte kay Duque, hindi na maalis ang katotohanan na tila isa siyang malaking bato na nagiging pabigat na sa administrasyon.

At kung naghahanap lang ng “timing” o tiyempo para sa kaniyang pagbibitiw, siguro ngayon na habang nababanaag na raw na na-“flatten” na ang “curve” ng virus. At least, puwede niyang ipagmalaki na umalis siyang pababa na ang COVID-19 cases. Huwag na niyang hintayin na baka tumaas muli ang mga kaso at may mangyari pang “wave.” Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.