Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Grade 11 kinahiya baliw na ermat, tinodas

0 96

Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang ginang na may diperensiya sa pag-iisip matapos patayin ng sariling anak sa Sibonga, Cebu nitong Miyerkoles.

Pambu-bully ng mga kaklase at kaibigan ang sinasabing dahilan kung bakit nagawang paslangin ng 19-anyos na si Angelo Bacaltos, grade 11 student, ang kanyang ina na si Julieta Bacaltos, 51.

Dakong alas-7:30 ng umaga nang matagpuang patay na ang biktima dahil sa tinamong isang saksak sa dibdib sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Dumlog, Barangay Simala sa bayan ng Sibonga.

Umamin naman sa himpilan ng pulisya ang anak ng biktima na siya ang pumatay sa kanyang ina.

Sa ulat ni Master Staff Sgt. Gerardo Abad ng Sibonga Municipal Police Station, nadiskubre ang duguang bangkay ng ginang ng kanyang kinakasamang si Allan Lariosa, 54, kaya agad nitong tinawag ang anak na si Angelo na nakatira sa bahay ng kanyang lolo at lola kasama ang ibang kapatid upang dalhin sa ospital ang ginang.

SM food to go Banner Ad

Pero, idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima ng mga doctor na sumuri sa kanya.

Sa pag-iimbestiga ng pulisya, nadiskubre na wala namang nawawala sa bahay ng biktima at hindi naman nagulo ang mga kagamitan para masabing pagnanakaw ang motibo ng krimen.

Subalit sa interogasyon ng mga pulis sa mga nakasama sa bahay ng biktima ay doon na umamin si Angelo na siya ang pumatay sa kanyang ina.

Sinabi umano ng suspek na nagawa niyang patayin ang ina dahil sa pagod at sawa na siya sa ginagawang panunukso sa kanya ng mga kaklase at kaibigan na mayroong nanay na baliw.

Dahil sa ginawang krimen ay sinampahan ng kasong parricide ng pulisya ang suspek na nakakulong ngayon sa Sibonga Municipal Police Station. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.