Abante Tonite Interactive

Grade 11 pinatay sa selos

461

Hinihinalang selos ang dahilan ng pagpatay sa isang 17-anyos na estudyante nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin kamakalawa sa Taguig City.

Sanhi ng ilang tama ng bala sa ulo buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril, namatay noon din si Senator Carit, grade 11, taga-Brgy. New Lower Bicutan, Taguig.

Sa report ni Police Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, alas-11:45 kamakalawa nang gabi nang maganap ang insidente sa Mulawin St., Park 3, Barangay New Lower Bicutan.

Ayon sa ina ng biktima na si Celistina Carit, saglit na lumabas ng bahay ang anak para tingnan nang pasikreto ang text massage sa kanyang cellphone.
Ilang minute lang ay nakarinig na ng malakas ng putok ng baril sa labas ng bahay ang ginang at nang alamin ay dito na tumambad ang duguan at wala nang buhay na anak.

Ayon sa ina ng binatilyo, nitong nakaraang linggo ay nakaargumento ng biktima ang kanilang kapitbahay na si alyas ‘Faisal Abu’ dahil naghihinala ang lalaking suspek na may relasyon ang kanyang misis at biktima.
Ito ngayon ang tinitignang motibo ng pulisya sa krimen. (Armida Rico)