Abante Tonite Interactive

Grade 2 pupil hinalay, pinatay sa kampo santo

Last Part

By
1,328

Bagama’t hindi naman itinanggi ni Ai-Ai ang bintang laban sa kanya, hindi rin naman niya ito inamin ng tuwiran at sa halip ay nagpasiyang manahimik na lamang at hintayin ang isasagawang paglilitis ng korte sa kanyang kinakaharap na kaso.

Batay naman sa re­kord ng pulisya, sinabi ni Malabon police chief Senior Supt. John Chua na kabilang si Jay R Payawal alyas ‘Ai-Ai’ sa mga nasa listahan ng mga sangkot sa paggamit ng iligal na droga ng Barangay Anti-Drug Abuse Council o BADAC.

Napag-alaman din na noong Hunyo 22, 2016, isa si Ai-Ai sa mga kusang sumuko sa isinasagawang ‘Oplan-Tokhang’ ng pulisya laban sa mga hi­nihinalang sangkot sa pagtutulak at paggamit ng iligal na droga.

Sa kabila ng pagkakaloob ng pagkakataon para sa pagbabagong buhay na ibinigay sa kanya ng pulisya at lokal na pamahalaan ng lungsod ng Malabon upang harapin ang magandang bukas at talikuran na ang masamang bisyo, hindi pa rin tumigil sa paggamit ng iligal na droga si Ai-Ai, patunay na ang ibinigay na pahayag ng isa sa mga testigo na si Christina Agulay na madalas niyang makita ang suspek na pumapasok sa Tugatog Ce­metery para lamang umiskor o bumili ng shabu.

Dahil matibay ang mga nakalap na pisikal na ebidensiya at salaysay ng mga testigo, kabilang na rin ang kahilingan para sa DNA examination ng suot na brief, duguang short pants at tsinelas ni Ai-Ai, pati na ang isinagawang pag-autopsiya sa bangkay ng batang biktima na namatay sanhi ng mga tinamong mga palo ng matigas na bagay sa ulo, isinampa ng pulisya sa Malabon City Prosecutors’ Office ang kasong Rape with homicide noong Oktubre 24, 2016.

Kabilang sa mga pulis na naghain ng natu­rang kaso laban kay Jay R Payawal alyas ‘Ai-Ai’ sina SPO1 Rolando Hernando, PO2 Benjamin Sy Jr., na nakatalaga sa Malabon Police Station Investigation and Detective Management Branch at PO3 Maria Theresa Dagman ng Women and Children’s Protection Desk.

Wala namang piyansang ipinagkaloob si Malabon City Senior Assistant City Prosecutor Romel Blanco para sa pansamantalang paglaya ni Jay R Payawal, alyas ‘Ai-Ai’ sanhi ng matibay na mga ebidensiyang inihain ng pulisya.

Bagama’t madaling nalutas ng mga tauhan ng Malabon City Police ang karumal-dumal na pang­hahalay at pagpatay kay Maria Nelia matapos mahuli upang mapanagot sa batas ang pangunahing suspek, mahirap pa rin para sa mga magulang at kapatid ng biktima na iwaksi sa kanilang puso’t isipan ang batang si Ela at mananatili na lamang sa kanilang alaala ang masasayang araw na nakapiling nila noong nabubuhay pa ang masayahing biktima.

Kaya paalala kong muli sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo, walang krimen na hindi pinagbabayaran.