Abante Tonite Interactive

Grade 5 student minanyak ni sir

569

Kalaboso ang isang elementary teacher matapos ireklamo ng pangmo­molestiya diumano sa isang babaeng grade 5 student sa Hermosa, Bataan.

Sadyang hindi na pinangalanan ang 45-anyos na suspek para maitago ang pagkakakilanlan ng biktima.

Sa report mula kay Major Jeffrey Onde, hepe ng Hermosa Police, batay sa salaysay ng 10-anyos na estudyante, inutusan siya ng suspek na umigib ng tubig at dalhin ito sa banyo.

Pagdating ng biktima sa banyo ay pinaghahalikan umano siya ng suspek sa labi at hinipuan sa maseselang bahagi ng kanyang katawan.

Pag-uwi sa kanilang bahay ay agad nagsumbong ang biktima sa kanyang ina na mabilis namang nagtungo sa barangay hall at ini-report ang nangyari sa anak.

Mabilis na nahuli ang suspek at dinala ito sa Hermosa Police Station.
Sinabi ni Major Onde na may ilang reklamo na rin umano laban sa suspek bago pa ang insidente ng pangmomolestiya sa 10-anyos na biktima.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek. (Jennifer R. Go)