Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Grade 7 binoga na, ginilitan pa

0 105

Patay ang isang 15-anyos na binatilyo matapos pagbabarilin at gilitan pa sa leeg ng anim na hindi pa nakikilalang mga suspek habang nasa harapan ng barangay hall sa kanilang lugar sa Barangay Nagsaing, Calasiao, Pangasinan kamakalawa.

Hindi na pinangalanan ng Calasiao Police Station ang biktima na napag-alamang nag-aaral bilang Grade 7 student.

Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, nangyari ang krimen dakong alas-9:22 ng umaga habang naglalakad ang biktima kasama ang kanyang tiyuhin na si Willie Saplan.

Hinarang sila ng anim na lalaki na sakay ng apat na motorsiklo at agad na pinalibutan ng mga ito ang magtiyo. Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at pinagbabaril ang biktima hanggang sa humandusay ito.

Sa testimonya ni Saplan, isa pang suspek ang naglabas naman ng patalim at ginilitan pa ang kanyang pamangkin sa lalamunan.

Agad na tumakas ang grupo pagkatapos isagawa ang karumal-dumal na pagpatay sa binatilyo.

Narekober naman ng mga imbestigador ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng bala ng baril na kalibre .45.

Ayon sa mga residente na nakasaksi sa krimen, walang nagawa ang mga opisyal ng barangay sa nasabing insidente.

Paniwala naman ng mga awtoridad na malaki ang galit ng mga taong nasa likod ng pagpatay sa biktima.

Nagsagawa pa ng follow-up investigation ang pulisya para matukoy at maaresto ang mga suspek sa hindi pa mabatid na motibo ng pamamaslang. (Allan Bergonia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.