Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Grade 7 buwis buhay sa Online Learning

0 86

Natagpuang patay at walang saplot ang isang babaeng Grade 7 student na sinasabing naghanap lamang ng cellphone signal para sa module sa San Narciso, Quezon.

Sa pahayag ni Vicente Banico, lolo ng biktimang si Dianne Banico, 12-anyos, nagpaalam lamang umano ang kanyang apo na maghahanap ng signal para kausapin ang kanyang guro sa online ukol sa module.

Subalit ilang oras na umano ang nakalipas ay hindi na bumalik ang apo kaya naghanap na sila at natagpuan itong tadtad ng saksak, walang saplot at patay na sa masukal na kagubatan sa Barangay Punta sa San Narciso sa nasabing lalawigan.

Ayon sa lolo ng biktima, kahindik-hindik ang ginawa sa kanyang apo dahil may mga saksak ito ng patalim sa leeg at katawan.

Humihingi naman ng hustisya ang lolo ng biktima at nanawagan na sinuman ang salarin ay lumantad at panagutan ang ginawang krimen sa bata.

Masusi nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at inaalam pa kung pinagsamantalahan ang biktima. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.