Abante Tonite Interactive

Grandmaster Rogelio ‘Joey’ Antonio Jr.

476

walang kupas ang tikas!

Ni Janiel Abby Toralba

Ilang dekada na ang nakalipas, pero ‘di pa rin kumukupas ang tikas ni Grandmaster Rogelio ‘Joey’ Antonio Jr. sa larangan ng chess.

Patuloy pa rin sa pagbibigay ng karangalan sa bansa ang pangatlong Pinoy chess GM.

Nakatakdang sumulong ng piyesa ang 57-anyos nang chess player sa 2019 FIDE World Senior Chess Championships sa Nobyembre 11-24 sa Bucharest, Romania.

Nitong 2017 edisyon ng torneo, nag-second place si siya para sa silver medal habang ‘di naman nakalahok noong isang taon sa torneong ginanap naman sa Slovenia.

Ayon sa 13-time Philippine Open champion, ‘di lang isip ang kinokondisyon kundi pati na rin pisikal tuwing mayroon siyang parating na laban.

“Once in a while kapag may time ako, nag-ja-jogging, nagba-basketball, minsan nagda-darts. ‘Yung chess ‘di nawawala sa akin ‘yan, araw-araw talagang naghahanda ako, at least 5 hours a day nagpe-prepare ako para sa game, nagpa-practice, kasama lahat ‘yan,” kwento ng Calapan City, Oriental Mindoro native woodpusher.

Wala mang nakamana sa kanyang tatlong anak na babae sa paglalaro ng chess, okay lang naman ito para sa kanya.

“Kapag tinuruan ko sa chess ‘yan tapos naglaro sa competition, malaking pressure sa kanila eh. ‘Yung expectations sa kanila ng mga tao, napakalaki. Kumbaga, kung ‘di nila malampasan o ‘di man lang nila mapantayan ‘yung galing ko, magkakaroon ng frustration ‘yung bata,” aniya.

Bilang isang ama, naglalaan din siya ng oras at panahon para sa mga anak at ‘di naman puro chess na lang lagi.

“Most of the time magkasama kami kapag walang chess, walang tournament abroad, magkakasama kami. Hinahatid ko, sinusundo ko ‘yung mga bata. Well malalaki na sila. Lagi kong tinitignan na dapat safe silang pumasok, safe silang makauwi importante ‘yun at siyempre ‘yung pagiging ama mo dapat responsable ka. Importante naibibigay mo ‘yung pangangailangan nila,” panapos ni Antonio.