Abante Tonite Interactive

Gray, Balkman, Mighty minasaker ang Canada

368

Nagsanib sa 47 points sina Jeremiah Gray at Renaldo Balkman para tambakan ng Mighty Sports Apparel-Go For Gold Philippines ang University of British Columbia-Canada 116-87 upang manatiling undefeated sa 41st William Jones Cup 2019 Lunes ng hapon sa Changhua County Gymnasium, Taiwan.

Tinambakan ng PH squad ang Canadians para unbeaten at makatambal ang Korea sa parehong 4-0 win-loss record sa 10-cagefest.

Nanguna sa opensa ng Mighty Sports si Gray na may 25 points samantalang umagapay naman si Balkman ng 22 markers, at si Eugene Phelps ng 20 puntos.

Sunod na makakatapat ng Mighty Sports ngayong Martes ng alas-5:00 ng hapon ang Korea.

Krusyal ang bakbakan ng PH at Korea dahil kung sino ang manalo ay mas may malaking tsansa na maiuwi ang kampeonato dahil ang may pinakamagandang record sa eliminasyon ang tatanghaling kampeon.

Huling biktima ng Koreans ang Indonesia, 117-55, ang largest winning margin sa nine-team tournament.

Ang mga pinataob pa ng koponan ni coach Charles Tiu ay ang Japan nitong Linggo 94-59, Iran nitong Sabado 98-72, at Jordan nitong Biyernes 90-74. (Janiel Abby Toralba)