Abante Tonite Interactive

Gretchen tinulungan ng mga Pinoy nang manakawan sa London

By
1,088

Idineklara ng ‘Happinews’ ambassador na si Gretchen Ho na kailangan mas marami pang positibong istorya ang maikalat sa social media. Tulad na lang nang pagtulong sa kanya ng kababayan sa London noong manakawan siya roon.

“Nawalan ako ng gamit pero naranasan ko ang kabaitan ng mga Pinoy. Kahit ganito ang nangyari sa akin, mayroon pa ring better side ‘yung story,” sambit niya.

Tulad ni Gretchen,­ nagbahagi rin ng kaalaman kung bakit at paano ma­ging positibo ang iba pang speaker na sina ABS-CBN Creative Communications Management division head Robert Laba­yen, na namumuno sa grupo sa likod ng mga Station ID ng ABS-CBN, Dr. Rosel San Pascual ng UP, Issa Cuevas-Santos ng Gawad Kalinga, at ang dati ring mag-aaral sa UP na si Miggy Bautista, na nagawang makatapos sa kabila ng kanyang kapansanan.

Ani Dr. Rosel, kailangang matuto ang mga Filipino na maki­pagdiskusyon o argumento nang may respeto maging sa social media. Si Issa naman, pinaalalahanan ang kabataan na minsan sapat na ang maging mabuti at hayaan ang iba ang gumawa nang mabuti.

Anyway, sa kabila ng ma­tinding pag-ulan, nagliwanag ang gabi nang mahigit isang daang kabataan sa UP Diliman kamakailan lang sa ‘good vibes’ na dala ng ‘The Happinews Project’, isang kilusang humihimok sa mga Filipino na magbahagi ng mga positibong kuwento sa social media.

Bagong kaalaman at inspirasyon upang matapatan ang masasamang balita at awayan sa internet ang naiuwi ng mga estudyante sa paglulunsad ng proyekto sa UP Bahay ng Alumni.

Kasalukuyang may mahigit isang libong kasapi ang ‘The Happinews Project’ sa Facebook, kung saan nagpapalitan ang mga miyembro ng masasayang kuwento at nagbibida ng kabutihang loob ng mga tao.

Para mas marami pang maengganyo, darayo rin ito sa Unibersidad ng Santo Tomas at Far Eastern University kasama ang ‘Happinews’ ambassador na si Gretchen Ho at iba pang personalidad na maghahatid ng inspirasyon sa mga Filipino.

Pinuri naman ng isang estudyante, si Loudette Tejada, ang ‘The Happinews Project’, na sini­mulan ng ABS-CBN Integrated News & Current Affairs. Aniya, magandang ideya ang paggawa ng grupong magpapakalat ng ‘happy vibes’ sa mga Filipino.

Para sa impormasyon sa proyekto, sumali sa ‘The Happinews Project’ group sa Facebook (facebook.com/groups/HappiNews).