Abante Tonite Interactive

Grupo ni Cayetano talsik sa SEA Games

496

Sinibak ni Pangulong Rod­rigo Duterte ang grupo ni Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano bilang organizer ng Southeast Asian (SEA) Games na nakatakdang gawin sa Pilipinas sa Nobyembre ngayong taon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nais ng Pangulo na ang gobyerno na ang humawak sa SEA Games sa halip na ang grupo ni Cayetano sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) dahil marami aniyang korapsyon kapag pribado ang hahawak nito.

Ayon kay Panelo, kakausapin niya si Cayetano na siya ring chairman ng PHISGOC para alamin kung alam na nito ang plano ng Pangulo at kung nagkausap na ba ang mga ito.

“Sabi niya (Pangulong Duterte) maraming korap­syon diyan sa private. Saka ano, parang nabanggit niya ang daming politika kasi diyan, iyong ‘pag private. Kaya nasisira iyong diskarte nu’ng mga nandiyan, kaya gusto niya gobyerno na lang. As a matter of standard procedure when there is corruption, supposed to be the agencies concerned in the investigation will have to delve into that without being asked by the President,” ani Panelo.

Hindi pa batid ng kalihim kung anong ahensiya ng gobyerno ang hahawak at mangangasiwa sa SEA Games kaya tatanungin niya ang Pa­ngulo hinggil dito.

Posibleng hindi na aniya makisali pa si Cayetano sa mga paghahanda sa hosting ng SEA Games dahil magiging abala na ito kapag siya ang maging House Speaker sa pagbubukas ng 18th Congress.

Pero nilinaw ni Panelo na hindi kasama si Cayetano sa isyu ng katiwalian sa panga­ngasiwa sa SEA Games.
“Ah definitely not, not this Cayetano. No, wala siyang binanggit na PHISGOC,” dagdag pa ni Panelo. (Aileen Taliping)