Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Guanzon hinarang ng SC sa Kongreso

0 116

Naglabas ang Supreme Court (SC) nitong Miyerkoles, Hunyo 29, ng temporary restraining order (TRO) na pansamantalang pumipigil sa pag-upo ni dating Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon sa Kongreso.

Inilabas ng SC ang TRO kaugnay ng petisyon na inihain ni Duterte Youth party-list Rep. Ducielle Marie Cardema at asawa niyang si Ronald Cardema laban sa substitusyon ni Guanzon bilang kinatawan ng P3PWD party-list.

Inirereklamo ng mag-asawang Cardema ang biglaang pagbibitiw sa puwesto ng mga orihinal na nominado ng P3PWD kung saan isa si Guanzon sa mga pumalit upang maupo sa Kamara.

Kaugnay pa nito, pinagpapaliwanag ng SC si Guanzon at ang Comelec na nagbigay ng pahintulot sa substitusyon ng dating opisyal ng poll body.

Binigyan ng SC ng 10 araw ang mga nabanggit para magpaliwanag matapos matanggap ang abiso ng korte.

Guanzon sasagot sa SC

Maghahain ng kanyang komento si Guanzon sa SC kaugnay ng desisyon nito na pumipigil sa kanya na manungkulan bilang kinatawan ng P3PWD party-list sa 19th Congress.

“I will file a Comment to the Petition of Cardema in the Supreme Court within 10 days,” sabi ni Guanzon sa isang post sa Twitter.

Kinontra rin ni Guanzon ang sinabi ng Duterte Youth party-list na wala siyang Certificate of Proclamation (COP) kaya kuwestiyonable umano ang kanyang panunumpa sa tungkulin.

Ayon kay Guanzon naisumite na niya sa Kamara ang kanyang COP.

Nagbitiw ang mga orihinal na nominee ng P3PWD sa iba’t ibang kadahilanan na nagbigay ng pagkakataon kay Guanzon upang mag-substitute at umupong kinatawan nito sa Kamara. (Mark Joven Delantar/Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.