Abante Tonite Interactive

Guevarra’s ikinandado: DOH nag-imbestiga sa food poisoning

By ,
928

Isang linggong ipinasara ang Chef Laudico Guevarra’s para isailalim ito sa sanitary inspection ng City Health Office dahil sa umano’y pagkalason at pagkakasakit ng limang magkakapamilya na kumain sa sikat na buffet restaurant sa San Juan City.

Sa Temporary Closure Order na may petsang Setyembre 3, 2018 na inisyu ng tanggapan ni Atty. Dominic Garcia, hepe ng Business Permit and Licensing Office ng San Juan, ipinatigil nito ang operasyon ng Guevarra’s, batay sa rekomendasyon ng City Health Department.

“Immediately upon receipt hereof and upon the recommendation of the City Health Department dated Aug. 31, 2018, you are hereby ordered to cease and desist from all operations at the above given address, for the period of five days pending compliance with the sanitary order issued by the City Health Department,” nakasaad sa kautusan ni Garcia.

“Failure to comply with the recommended corrective measures within five (5) days we will be constrained to file the appropriate legal action against you,” ­babala pa ni Garcia.

Nabatid na ipinag-utos ni Mayor Guia ­Gomez ang imbestigasyon sa Guevarra’s na pag-aari ng kila­lang chef na si Roland Laudico matapos ang post ng isang Karessa Mae Bulay Limpot sa kanyang Facebook account na naospital sila at nagkasakit pa ang kanyang tatay at kapatid matapos silang kumain sa nasabing restaurant noong Agosto 19.

Dalawang beses umanong nag-dialysis ang kanyang ama at bumigay din ang kidney ng kapatid niyang babae. Ang sabi diumano sa kanila ng mga doktor sa St. Luke’s Medical Center ay ang kidney failure ay sanhi ng “severe dehydration secondary to acute gastroenteritis”. Halos lahat umano sila ay nagpositibo sa vibrio cholera.

Bukod dito, mayroon pa umanong limang pamilya ang nakipag-ugnayan kay Limpot at nakaranas din ng parehong problema matapos kumain nang araw ding iyon.

Ayon naman sa pahayag ng pamunuan ng Guevarra’s, alam umano nila ang naiulat na naranasan ng ilang indibidwal na kumain sa kanilang establisimi­yento at patuloy din ang kanilang ginagawang imbestigasyon.

Dagdag pa ng Guevarra’s, nagtungo na umano sa kanila ang kinatawan ng Department of Health (DOH) upang tingnan ang “overall sanitary soundness” ng restaurant at nakapasa naman umano sila sa evaluation.

Nagdesisyon na rin umano silang isara ang restaurant kahapon para sa kanilang taunang maintenance at muling magbubukas sa ­Setyembre 12.

“We assure the rest of our patrons and the public that Guevarra’s always upholds only the highest standards in food quality and service for all of our guests,” pahayag ng Guevarra’s.