Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gulangan sa bakuna

0 158

“Marami na ang nagpa-injection dito sa Sinopharm.” Walang iba kundi si Pang. Duterte mismo ang nagsiwalat, sa kanyang talumpati noong December 26, na may mga tauhan ng AFP at ilang opisyal ng gubyerno na nagpabakuna laban sa COVID-19, gamit ang produkto ng isang parmasyotikong pag-aari ng gubyerno ng China. Nagpahiwatig din siya na maaaring kabilang siya mismo sa mga naturukan ng bakuna. “Ako ang may problema ngayon. For example lang, puwede akong magpabakuna ulit pagdating ng Pfizer mo?,” aniya kay Food and Drug Administration Director General Rolando Domingo.

“I have no personal information, personal knwoledge kung nabakunahan na siya o hindi.” Yan ang sagot ni Presidential Spokersperson Harry Roque nang tanungin kung nabakunahan na nga ba ang Pangulo. Samantala, kinumpirma ni Department of the Interior and Local Governments Sec. Eduardo Ano na nagpabakuna ang mga sundalo ng Presidential Security Group at maging ang ilang miyembro ng Gabinete.

Kontrobersyal ang ibinunyag ni Duterte dahil wala pang anumang bakuna laban sa COVID-19 na rehistrado sa FDA at may pahintulot nang gamitin sa loob ng bansa. Sa madaling sabi, labag sa batas ang pagpapabakuna ng PSG, ilang miyembro ng Gabinete, at maaaring ni Pang. Duterte mismo.

Tahasang ang panlilinlang ni Sec. Roque sa publiko sa pangangatwiran niya sa ilegal na pagpapabakuna. “Hindi po pinagbabawal ng batas natin ang magpaturok ng hindi rehistrado. Ang bawal po, yung distribution at pagbebenta.” Pawang kabalbalan ito dahil malinaw na ipinagbabawal ng batas (RA 9711) maging ang anumang paggamit sa produkto (“non-consumer use”) na hindi rehistrado sa FDA. Nariyan ang batas upang protektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.

SM food to go Banner Ad

Dapat ilahad ang buong katotohanan hinggil sa ilegal na pagpapabakuna na pinasumunuan mismo ng Malacanang. Kailangang malaman ng publiko kung saan nanggaling ang mga bakuna, paano ito naipasok sa bansa, sino-sino ang nakinabang, at sino ang dapat managot sa paglabag sa batas.

Bukod sa ilegal na paggamit ng di-rehistradong bakuna, nilabag din ng adminstrasyong Duterte ang sarili nitong listahan ng prayoridad sa pagpapabakuna. Ayon sa Department of Health, una dapat ang frontline health workers, kasunod ang mga senior citizens, at panglima lamang sa priority list ang uniformed personnel. Ngayon pa lamang, pinangunahan na ng Malacanang ang gulangan sa bakuna.

Maidaragdag ang insidenteng ito sa humahabang listahan ng tahasang paglabag ng mga opisyal ng administrasyong Duterte sa batas at sariling mga alituntunin ngayong panahon ng pandemya. Habang libo-libong karaniwang Pilipino ang tinatakot, dinarahas, at kinukulong dahil sa mga umano’y paglabag sa kwarentina, pinalulusot ng administrasyon ang mga batikang pasaway na tulad nina Sen. Koko Pimentel, Mocha Uson, Presidential Legal Adviser Salvador Panelo, at PNP chief Debold Sinas.

Higit pa, nagbibigay ito ng pasilip sa magiging kalakaran ng pagpapatupad ng administrasyong Duterte sa pambansang programa ng pagpapabakuna laban sa COVID-19 sa hinaharap. Ayon kay Sec. Carlito Galvez, Jr., na tinaguriang “vaccine czar,” limang taon ang kailangan ng gubyerno upang mabakunahan ang 70% ng populasyon. Pinakamaagang makapagsisimula umano ang maramihang pagbabakuna “in the second quarter or middle of 2021 at the earliest,” ngunit mas makatotohanan daw ang “end of 2021 or early 2022.” Sa madaling sabi, para sa mayorya ng Pilipino, taon pa ang hihintayin bago sila makatanggap ng bakuna. Taon pa ang pagdaraanan nilang health protocols, social distancing, at limitasyon sa hanap-buhay at araw-araw na pakikitungo sa kapwa. Samantala, walang duda na ipagpipilitan ng mga VIP at iba pang pinagpalang nilalang ng administrasyong Duterte na sila ang mauuna sa pila.

Leave A Reply

Your email address will not be published.