Abante Tonite Interactive

Gulangan sa poker

361

NOLI CRUZ

Madali na ngayong­ makita kung may daya­ang nangyayari sa poker table.

Pero ayon sa isang beteranong poker player na ating nakakuwentuhan kamakailan, noong nagsisimula pa lamang daw na sumikat ang larong ito sa ating bansa ay maraming nakakalusot na magugulang sa lamesa.

Dati raw ay madaling nakakalusot ang pagmamarka sa baraha na hindi nahahalata ng dealer at ng ibang mga nasa lamesa. Madalas din daw ang kampihan kapag nasa final table na at noon daw ay nakakalusot kahit na garapalan na ang senyasan ng mga magkakakampi.

Mabuti na lang daw at naghigpit na ang mga tournament organizer ngayon at kaagad na pinapatawan ng parusa ang mga nahuhuling nandaraya sa laro. Banned daw agad ang player kahit na unang pagkakataon pa lang itong nahuli.

Marami na raw tayong mga poker player na banned sa mga torneo na ginaganap sa ating bansa kaya takot na rin ang iba pang manlalaro na gumawa ng kalokohan.

Medyo nalungkot nga lang ang inyong lingkod sa iba pang naikuwento ng kausap kong poker player. Ayon kasi sa kanya, hindi lang sa laro nagkakadayaan ang mga manlalaro natin. Pati raw sa hatian ng premyo ay nagkakadayaan.

May pagkakataon daw na may nagtatakbo rin ng pera kapag malaking halaga na ang pinag-uusapan. Katunayan daw ay may isang dating sportswriter na malaking halaga ang itinakbo mula sa kanyang manager sa isang online poker tournament.

Hanggang ngayon ay nagtatago pa rin daw ang dati nating kasama sa hanap-buhay kaya hindi na ito nakakasali sa mga live tournament. Kilala ko kung sino ang dating sportswriter na iyon at medyo nagulat ako sa aking nalaman. Sana’y hindi totoo ang ating nabalitaan at makapaglaro ulit sa malalaking torneo ang ating dating katrabaho.