Abante Tonite Interactive

Gulayan sa paaralan

By
98

Aminado ang Department of Health (DOH) sa laki ng problema sa malnutirisyon sa bansa. Ika-siyam ang Pi­lipinas sa sampung bansang may pinakamaraming bansot o stunted growth sa edad na lima pababa.

Sa datos ng 2015 Food and Nutrition Research Institute (FNRI), lumalabas na stunted o bansot ang 3 sa 10 bata sa bansa.

Kaya mabuting maaga pa lang maipaalam na sa mga bata ang kahalagahan ng pagkain ng prutas at gulay. Dahil sa sustansiyang dala, ma­laki ang maitutulong nito para manatiling malusog ang panga­ngatawan. Kaya ginugunita tuwing Hulyo ang Nurition Month. Bahagi ito ng programa ng Department of Edu­cation (Deped) para turuan ang mga bata ng wasto at tamang nutrisyon.

Ibahin n’yo ang Tinabunan Elementary School (TES) sa Imus, Cavite. All-year round ang pagtuturo nila sa mga bata ng kahalagahan ng nutrisyon. Katunayan, isa ang TES sa tatlong eskuwelahan sa buong bansa na tinaguriang ‘Sentinel School’ Integrated School Nutrition Program.

Ayon kay Mr. Jesus Bergado, Principal ng TES, layon ng programa na puksain ang malnutrisyon sa mga batang mag-aaral ng Pilipinas sa pamamagitan ng Gulayan sa Paaralan Program, School-Based Feeding Program at Nutrition Education.

Bilang Sentinel School, nagsisilbing modelo ang TES ng mga maaa­ring makamit kung isasagawa ng magkakaugnay ang iba’t ibang programang pang-nutrisyon, kalusugan, at agrikultura. Sa loob ng eskuwelahan, matatagpuan ang isang Bio-Intensive Garden na may tanim na katutubong gulay.

Pinayayabong ang mga tanim doon gamit ang mga organikong materyal mula sa kalikasan. Ginagamit naman sa feeding program ang mga aning gulay mula sa hardin upang matiyak na ligtas at masustansiya ang pagkaing ihahain sa mga mag-aaral.

May nutrition education din ang TES para lubos na maunawaan ng mga mag-aaral, magulang, at miyembro ng pamayanan ang halaga ng paghahalaman.

Bukod sa pagiging model school, sentro ng kaalaman din ang eskuwelahan upang matutunan ng mga kalapit-paaralan at komunidad ang integrated nutrition model.

Ang sa akin lang, maging ehemplo sana ang gaya ng TES para mas pagyabungin ng iba pang paaralan ang kanilang kaalaman sa wasto at tamang nutrisyon. Sa ganitong paraan, kahit papaano’y matutulungan nating labanan ang malnutrisyon sa bansa.