Abante Tonite Interactive

Gumagamit ng magkakaibang pirma

257

Dear Atty. Claire:

Naghintay po ako na may magtanong sa inyo ng bagay na gusto kong malaman pero matagal na panahon na at wala pa ring nagtatanong kaya naglakas ng loob na po akong sumulat sa inyo.

Tungkol po ito sa ginagamit kong pirma o signature. Tatlong pirma ang ginagamit ko pero magkakapareho ang pirmang gamit ko para sa mga personal at mga importanteng dokumento katulad ng mga bank transaction, driver’s license, insurance policy, employment contract at marami pang iba. Ito po talaga ang original na pirma ko.

Iba naman ang pirma na ginagamit ko pagdating sa trabaho ko at mayroon din po akong ginagamit na pirma para sa mga bagay na hindi masyadong mahalagang dokumento.

Ang tanong ko po ay kung okay lang ba ang maraming ginagamit na pirma?

Gumagalang,
Arnold

Mr. Arnold:

Marami na rin ang nagtanong sa atin ng kaparehong sitwasyon at ang palagi kong nauunang itanong ay ano ba ang motibo sa paiba-ibang prima na sinusulat sa mga dokumento?

Kung ang motibo ay para hindi kilalanin ang pinirmahan upang makaiwas sa pananagutan ay siguradong magkakaroon ng pananagutan ang taong nais na manloko.

Sa pamamagitan ng isang handwriting expert ay maikukumpara ang mga stroke ng sulat upang madetermina kung maaari bang sulat ito ng iisang tao lamang.

Ngunit ang pagkakaroon ng iba’t ibang pirma ay hindi naman nangangahulugan na ito ay mali o labag sa batas.

Ang pirma o signature ay isang pagpapatunay ng identity ng tao at ng authenticity o genuineness ng dokumento.

May mga tao na iba ang ginagamit na pirma sa paggawa ng bank check upang maproteksyunan ang kanyang pondo. May iba naman na gumagamit ng ibang pirma sa pag-approve ng dokumento upang masigurado niyang pirma niya at walang napeke ito upang mapalusot ang isang transaksyon.

May pumipirma rin ng iba upang sa bandang huli ay maitanggi niya ang pirma pati na rin ang dokumento matapos na makapagnakaw ng malaki mula sa transaksyon na iyon upang makalusot sa pananagutan sa batas.

Kung mapapatunayan mo naman na ang mga pirma na iyong isinulat ay sa iyo ay wala namang problema. Magkakaroon lamang ng problema kung sakaling ikaw ay wala na ay kailangan ng iyong mga naiwang mahal sa buhay na patunayan na ang dokumento ay tunay at pirma mo.

Baka dumating ang pagkakataon kapag may nais na makuhang benepisyo ay ikaw na mismo at mga mahal mo sa buhay ang siyang mahirapan na patunayan na ikaw mismo ang gumawa ng dokumento.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410-7624 o 8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.