Abante Tonite Interactive

Gumapang na baby nalunod

322

Isang 8-buwang gulang na sanggol na lalaki ang namatay nang mahulog sa tubig sa ilalim ng kanilang bahay matapos itong gumapang Huwebes nang tanghali sa Dipolog City, Zamboanga Del Norte.

Sinubukan pang isalba ang buhay ng sanggol na si G-Boy Eyas subalit idineklara na itong dead on arrival ng sumuring doktor ng Corazon Aquino Hospital.

Sa ulat ng Police Regional Office 9, naganap ang insidente alas-12:40 nang tanghali sa bahay ng pamilya Eyas sa Baybay Galas ng nasabing lungsod.

Ayon kay Angel Eyas, nanay ng biktima, natutulog ang sanggol ng mga oras na iyon subalit hindi umano namalayan ng ina na nagising na ang bata na gumapang hanggang sa pintuan at mahulog sa swamp kung saan nakatirik ang bahay ng pamilya.

Sinubukan pang saklolohan ng nanay ang kanyang anak kasama ang ilang nagmalasakit na kapitbahay upang iahon sa tubig at i-revive subalit hindi na nagkamalay ang sanggol kaya agad nila itong dinala sa pinakamalapit na pagamutan pero idineklara na rin itong dead on arrival. (Edwin Balasa)