Abante Tonite Interactive

Gun ban mahigpit na pinapatupad sa panahon ng BSKE 2018

By
804

Bukas, Abril 20, araw ng Biyernes ang hu­ling araw ng pag-file ng Certificate of Candidacy (COC) sa lahat ng mga nagnanais na tumakbo bilang barangay chairman, Sangguniang barangay members, SK chairman at Sangguniang Kabataan members.

Mula pa noong Abril 14, sa loob ng halos 42,000 mga barangay sa buong Pilipinas, na­ging abala ang lahat ng mga kandidato sa pag-file ng kanilang mga COC. Sa Lalawigan ng Cavite na mayroong 829 mga barangay, inaasahan na ang lahat ng mga kuwa­lipikadong kandidato ay makapag-submit na ng kanilang mga COC hanggang bukas.

Ang araw ng pagpasa ng mga COC ay hudyat na rin na simula na ang panahon ng barangay and SK elections para sa taong 2018. Nangangahulugan ito na mahigpit na ring ipapatupad ang gun ban. Ito ay tatagal mula Abril 14 hanggang Mayo 21, isang linggo matapos ang eleksiyon. Ang lahat ng mga nagmamay-ari ng kani-kanilang mga baril ay pinagbabawalang magdala, magbitbit, maglipat, bumili at lalo ang gumamit ng baril sa panahong itinakda. Ang gun ban ay alinsunod sa layunin ng pamahalaan na mapanatili ang anumang harassment at krimen na maaaring mangyari sa panahon ng eleksiyon.

Ang ibang nagmamay-ari ng baril ay maaaring kumuha ng exemption sa gun ban na kukunin sa Comelec’s Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP). Gayunpaman, hindi lahat ay maaaring mag-apply ng exemption.

Ayon sa Comelec Resolution No. 10197, ang mga maaari lamang kumuha ng exemption sa gun ban ay ang mga trabaho na sa katangian ay may kaugnayan sa kanilang opis­yal na gawain, propesyon, negosyo o okupasyon na na­ngangailangan ng mahigpit na seguridad tulad ng paggamit ng baril. Ang lahat naman ng mga taong nakapaloob sa Witness Protection Program at maging ang mga trabahong may kaugnayan sa pananalapi tulad ng kahera, disbursing officers, treasurers at iba pa ay maaari ring mag-apply ng exemption.

Pinatupad na rin ang mga Fix Visibility points at checkpoints sa Lalawigan ng Cavite at maging sa bansa.

Pinapangunahan ng Philippine National Police (PNP) ang araw-araw at gabi-gabing mga checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng probinsya. May mga ibang bayan at siyudad din na nanga­ilangang maglagay ng karagdagang checkpoints na pinapangasiwaan naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kaya naman, hinihikayat ko ang lahat ng mga gun owner na ma­ging responsable sa paggamit ng kanilang mga baril.

Sumunod tayo sa batas at makiisa tayo sa adhikaing magkaroon ng isang mapayapa at tahimik na barangay at SK elections. Hindi solusyon ang karahasan at maging ang anumang tipo ng harassment para lamang masiguro ang posisyong ating nais na makamit. Kilala ang mga Caviteño sa pagkakaroon ng baril sa kani-kanilang mga ta­hanan. Likas na sa atin ito mula pa sa ating mga ninuno. Subalit, hindi ito nangangahulugan na kailangan nating gamitin ito sa masamang layunin. Naniniwala ako na magagampanan natin ito dahil sa ‘nagkakaisang Cavite, walang imposible!’

At sa lahat ng mga tatakbo ngayong barangay and SK elections, goodluck sa inyo! Maging­ ehemplo tayo sa ating mga kababa­yan kaugnay ng mga batas na ating pinapatupad. Manguna tayo sa hindi paggamit o pagdadala ng baril sa panahon ng eleksiyon. Tandaan din na sa dara­ting na Mayo 13-14 ay ipapatupad naman ang liquor ban. Muli good luck sa inyo, magpatuloy sa pag­lilingkod sa bayan nang may dangal, katapatan at takot sa Diyos.

Para sa bawat Filipino, makiisa at lumahok sa barangay and SK elections 2018! Dahil Pinoy, ikaw ang idol ko!