Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gusto naming lumipat sa Makati

0 209

Masarap purihin ang mga taong tunay na karapat-dapat. At isa sa mga karapat-dapat purihin ngayon si Makati Mayor Abby Binay dahil sa kanyang wow kay galing na estilo ng pamamahagi ng ayuda.

Ito’y dahil habang nagdidiskusyon ang mga opisyales ng pamahalaan sa kung anong pamamaraan ang gagawin sa pamamahagi ng ayuda ngayong ibinalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila, umaayuda na si Mayor Abby.

Opo, tahimik pero mabilis ang naging pagkilos ni Mayor Abby sa pagpapaabot ng ayuda sa kanilang nasasakupan. Sa loob lamang ng isang araw, nasa 230,000 at halos kalahati ng mga residente ng lungsod ang nakatanggap ng tag-iisang libong pisong ayuda. At bongga pa ang mga taga-Makati dahil wala silang pila-pila. Walang naging panganib ng hawahan sa isinagawang distribusyon ng ayuda dahil ito’y muli nilang idinaan sa mobile e-wallet na GCash.

Aba naman, isang pindot lang at nasa GCash account na ng benepisyaryo ang kanyang P1K. Prenteng-prente sa loob ng bahay pero pasok sa banga ang P1K ayuda, saan ka pa? At sa bilis ng sistemang ito ni Mayor Abby, matatapos agad ang pamamahagi ng ayuda sa kanyang siyudad habang nagkakaribok pa sa pagtalo-talo ang mga opisyales ng gobyerno.

Kaswerte naman ng mga taga-Makati. Gasgas na ang salitang “sanaol” pero talagang mapapasanaol na lang ang residente ng iba pang lugar sa Metro Manila. Masisisi ba natin ang kahit sino kung maramdaman nilang inggit pa more sila sa Makatizens?

SM food to go Banner Ad

Nasubukan na ang Makatizen-GCash sa kainitan ng lockdown noong 2020 nang mamigay ng P5K sa bawat residente gayundin sa pamimigay ng P8K ayuda sa 8,000 driver ng tricycle, jeep at pedicab. Noong una raw ay maraming Makatizens ang duda sa GCash pero nang ma-realize nilang mabilis at maayos ang pamamahagi ng ayuda kumpara sa mano-manong paraan at pagpila ay sampalataya na rin ang lahat sa hi-tech na pagtanggap ng ayuda.

Bakit naman kasi parang si Mayor Abby lang yata ang nakaisip na makipagkonek sa GCash? Hindi ba puwedeng parang virus lamang na mahawahan din ng magandang estilong ito sa Makati ang iba pang lugar na inilagay sa ECQ? Eh di sana tulad sa Makati, 1 click away lang ang P1K ayuda? Hayy sanaol talaga!

At alam nyo bang hindi lamang sa GCash idinadaan ni Mayor Abby ang pagdamay sa kanyang nasasakupan ngayong panahon ng pandemya dahil tuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng lungsod ng food package at home care kits sa mga Makatizens na may mild COVID na naka-quarantine sa kani-kanilang bahay. Bawat package ay may paracetamol, oral antiseptic, sore throat spray, fever pad, washable at disposable face masks, vitamins, alcohol at Home Care Handbook para sa masusing pag-monitor sintomas ng mga may sakit. Kumpletong-kumpleto talaga dahil may pa-oximeter at thermometer pa si Mayor Abby.

Sa gitna ng mga pag-ayudang ito, hindi isinasantabi at hindi apektado ng lockdown ang pagbabakuna dahil tuloy-tuloy ito sa mga designated vaccination centers ng lungsod. At ang ilang senior citizens ay personal pang pinupuntahan para bakunahan. Ang mga nagpapabakunang seniors binibigyan ng P1K gift certificate bilang reward. Nemennnn!! Winner talaga itong si Mayor Abby. Puwede na bang lumipat sa Makati?!

Leave A Reply

Your email address will not be published.