Abante Tonite Interactive

Gustong makasiguro na may titulo ang bibilhing lupa

By
1,998

Dear Atty. Claire,

Magandang araw po.

Ako si Roneto, isang OFW. May itatanong lang po ako tungkol sa lupa na binibili ko kasi baka po magkaroon ng problema sa titulo. Kung sakali mabayaran ko nang buo ma’am paano ko malalaman na may titulo ang lupa o wala.

Tulungan niyo po ako ma’am para hindi masayang ang pagod ko sa paghanap ng pambayad at ano ang dapat kong gawin.

‘Yung nagbebenta ay halos nakatira siya doon ng almost 25 years na raw siya at walang nag-claim sa lupa na ‘yun.

Maraming salamat po,

Roneto

***
Dear Mr. Roneto,

Una sa lahat ay hanapin niyo sa nagbebenta ang orihinal na titulo ng lupa na nakapangalan sa kanya. Kung wala po siyang maipakita kahit na anumang dokumento na nagpapatunay na siya ay may karapatan sa lupa tulad ng Tax Declaration para sa lupa o titulo na nakarehistro sa pangalan niya ay huwag ninyong bilhin dahil baka mapunta sa wala ang mga inipon ninyo bilang OFW.

Maaari ninyo rin ma­laman sa Tax Mapping Division na may sakop sa lupa kung iyan ba ay mayroong nagmamay-ari talaga o wala.

Sabihin lamang ang address o ekastong lugar ng lupa ay maipapakita sa inyo kung iyan pa ay isang private property o nakapa­ngalan pa sa gobyerno. Kahit po walang nag-claim sa loob ng 25 years ngunit ito naman ay nakatitulo na sa iba ay hindi kailanman maaaring ariin ng nakatira roon sa lupa.

Ibang usapan naman po kung iyang lupa ay wala pa talagang nagmamay-ari at ang nakatira roon ng mga 10 taon o hihigit pa ay maaaring makapagpatitulo sa pamamagitan ng pagsampa ng petition sa korte para mapatituluhan ang lupang kanyang naokupa ng 10 taon o higit pa.

Ngunit papatuna­yan pa iyan sa korte na possessor siya in good faith at matagal ng nakatira roon nang walang gumagambala. Kapag hindi po ganito ang inyong sitwasyon ay mag-isip muna kayo nang ilang ulit bago magbitaw ng pera.

Kung wala silang titulo o walang Tax Declaration na nakarehistro sa kanila ay mahihirapan kayong makapagpatitulo ng lupa, lalo na kung mayroon pa lang tunay na may-ari ito.